Naghain ng reklamo sina Alfred Vargas at ang kaniyang asawang si Yasmine laban sa mga magulang ng isang menor de edad na umano’y nambu-bully sa kanilang anak habang nasa swimming training.

Ayon sa mag-asawang Vargas, nilabag ng mga magulang ng menor de edad ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at nabigo sa kanilang legal na tungkulin sa ilalim ng Family Code na bantayan at disiplinahin ang kanilang anak.

Sa isang post sa kaniyang social media accounts, sinabi ng aktor at konsehal ng Quezon City na si Alfred, na nangyari ang umano’y mga insidente ng pambu-bully sa kabila ng “efforts, reminders, and appeals,” na kanilang ginawa sa mga magulang upang pagsabihan nito ang kanilang anak na tumigil sa maling gawain.

"Every time we go to the parents to try to resolve these issues, we were either dismissed or gaslighted," ani Alfred.

Naganap umano ang isa sa mga insidente noong Pebrero sa isang swimming competition, na itinulak ng menor de edad ang kanilang anak sa gilid ng pool habang nagwa-warm-up. Muntik pa umano itong magdulot ng pinsala.

Ayon kay Vargas, nasaksihan niya ito at ng iba pang mga tao.

Sinabi pa ng konsehal, na pinagtawanan ng menor de edad at dalawa pang kasama ang kaniyang anak na nagdulot ng "severe fear and emotional distress."

Dagdag ni Alfred, nagkunwaring walang nangyari ang ina ng menor de edad nang ipaalam niya ang nangyaring insidente.

"Bilang ama, may isang bagay na hindi mo kayang tiisin: ang makita ang anak mo na inaapi," sabi ni Alfred. "Hindi ito simpleng 'away ng bata.' Hindi ito bagay na dapat palampasin."

"Bullying is not normal. It is not harmless. It is not acceptable. Maaari sanang maiwasan ang insidente na ito kung hindi napabayaan ang bata ng magulang. Kaya ngayon, pinili naming lumaban. Hindi para maghiganti kundi para manindigan para sa anak ko at para sa lahat ng batang natatakot magsalita," dagdag niya.

Nag-iwan naman ng mensahe ng suporta sa Instagram ang aktres na si Yasmien Kurdi, na naghain din ng reklamo kaugnay sa naranasang bullying ng kaniyang anak na si Ayesha noong nakaraang taon.

"This is really heartbreaking, but also a wake-up call. I know how this feels, the pain and anxiety for the whole family. We've been through it, and it's not easy seeing your child go through that," saad ng aktres.

"Mas masakit pa when parents are already informed but choose to dismiss or even laugh it off instead of correcting their child. That kind of response only makes things worse," dagdag niya.

Sinabi ni Yasmien na ipinagdarasal niya ang pamilya Vargas at hangad niyang ang kanilang katatagan.

"This is why taking a stand matters! Accountability is the only way it stops," sabi pa niya. "Every child deserves to feel safe and protected." — FRJ GMA News