Trahedya ang sinapit ng isang 17-anyos na lalaki na naputulan ng kamay at binti nang maipit siya nang bumigay ang pinasok nilang bahay na ginigiba sa Tondo, Maynila nitong Lunes.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “Saksi” nitong Martes, sinabing kaagad na tinulungan ng ibang residente sa New Antipolo area ang biktima upang maialis sa pagkakaipit sa tatlong palapag na bahay.

Naputol ang kanang kamay at kanang binti ng biktima na pinagtulungang isakay sa tricycle para dinala sa ospital.

Isang kasama rin ng biktima ang nakaligtas at nagtamo naman ng mga sugat sa ulo at katawan.

Ayon sa kasama ng biktima, ang gobyerno ang nag-demolished sa bahay na nasa tabi ng riles. Pinuntahan nila ito para tiktikin ang mga poste at makuha ang mga bakal na maaari nilang ibenta.

Pero hindi nila inasahan na guguho ang bahagi ng bahay na dahilan ng pagkakaipit ng kaniyang kasama.

Napag-alaman na nakakulong ang mga magulang ng biktima, at siya ang bumubuhay sa kaniyang mga kapatid sa pamamagitan ng pangangalakal.

Nakikipag-ugnayan naman ang pulisya sa Bureau of Fire Protection para makuha ang bahagi ng katawan ng biktima na naipit pa sa loob ng gumuhong estruktura.

Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesperson Police Major Philipp Ines, ang ginagawang pagtiktik sa bahagi ng bahay para makuha ang puwedeng ibenta ang dahilan kung bakit ito gumuho.

Nangako naman ang Manila City Hall na magkakaloob ng tulong sa biktima. —FRJ GMA News