Isang tricycle driver ang komubra ng P15 milyon na jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw na kaniyang tinamaan noong March 25, 2026, at may winning combination na 17-24-15-29-10-05.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), 30 taon na umanong tumataya sa lotto ang nasa 50’s na tricycle driver na mula sa Capiz.
Sa kabila ng matagal na pagtaya sa lotto, hindi umano nawalan ng pag-asa ang driver na darating ang araw na mananalo siya ng jackpot.
“Hindi po ako nawalan ng pag-asa. Naniniwala ako na darating ang tamang panahon at papalarin din akong manalo, basta patuloy lang ang pagtaya nang may paniniwala,” saad ng driver sa pahayag.
Nang tanungin umano kung saan niya gagamitin ang kaniyang napanalunan, sinabi ng driver na hindi niya gagamitin ang pera sa luho, bagkos ay nais niyang magnegosyo na may kinalaman sa farming.
“Gagamitin ko po ang napanalunan ko para mag-umpisa ng negosyo sa farming. Gusto kong magkaroon ng mas matatag na kabuhayan para sa pamilya at makabuo ng pangmatagalang pagkakakitaan,” pahayag niya.
Samantala, walang tumama ng jackpot sa mga major lotto draw nitong Martes, April 14, 2026.
Sa Ultra Lotto 6/58 draw na may premyong P75,000,000.00, ang lumabas na mga numero ay 30-19-20-58-09-22.
Sa Superlotto 6/49 draw, ang winning combination na lumabas ay 23-47-11-35-38-20, at may jackpot prize na P25,000,000.
Habang sa Lotto 6/42 draw, ang lumabas na mga numero ay 15-09-17-12-10-07, at may premyong P10,000,000.00. —FRJ GMA News

