Isang lalaking foreigner na nagpapaaral ng mga batang lalaki sa Caloocan City ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si James Rinaldo Boudraux, isang Amerikano base sa kanyang alien certificate of registration, at nangungupahan sa Barangay 73.

Pinaslang si Boudraux sa loob ng kanyang inuupahang bahay pasado alas-diyes ng gabi.

Ayon sa landlady ng biktima, umalis ng bahay ang biktima bandang alas-nuwebe ng gabi at bumalik makalipas ang isang oras na may kasama nang isang lalaki.

Sinabi ng landlady na malamang na residente rin ng naturang barangay ang teenager na lalaki.

Mabait umano ang dayuhan at mahilig magpainom at magpakain sa kanyang bahay.

Kalilipat lamang ng dayuhan sa inuupahan niyang bahay at tumira dati sa 'di kalayuan.

May mga pinag-aaral pa umanong mga kabataan ang dayuhan sa lugar.

Ilang sandali pagdating ng dayuhan at binatilyo, narinig ng mga kapitbahay ang pagtatalo ng dalawa at pagbaba nila ay natagpuan nilang may saksak na si Boudraux sa katawan.

Dinala sa ospital ang biktima ngunit binawian pa rin ito ng buhay.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang sa dayuhan. —ALG/KVD, GMA News