Isang oil tanker ang tumagilid at nagliyab matapos itong masalpok ng isang kotse sa Orion, Bataan. Ang isang pasahero ng kotse, patay, habang kritikal naman ang driver.
Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang mabilis na pagbagtas ng puting kotse sa Roman Superhighway sa Barangay Puting Buhangin pasado 5 p.m. ng Biyernes.
Galing kanan, bigla kumabig ang kotse pakaliwa papunta sa kabilang lane, kung saan naman may kasalubong na oil tanker. Ilang saglit pa, nagsalpukan na ang kotse at ang tanker.
Tumalbog at tumalsik ang kotse habang tumumba, tumagilid at dumausdos ang tanker papunta sa gilid ng kalsada. Nagliyab na kalaunan ang tanker.
Masuwerteng hindi nadamay ang sasakyan ni Deo Sarmiento, na nasa likod lang ng tanker nang maganap ang aksidente.
“Nasa right lane 'yung truck. 'Yung white, parang kumain siya. Kaya kumabig siya ng kanan, tapos ibinalik niya ulit sa line niya. Kaya nag-skid na paikot 'yung tanker. Gano’n naman, isa 'yung car, nakatama na siya, side hit 'yung car, umikot na siya ngayon. Kaya tumaob 'yung tanker. Umapoy, biglang umapoy nang kusa,” sabi ni Sarmiento.
Sinabi ng pulisya ng Orion, Bataan na may karga ang tanker ng 24,000 litro ng diesel at 6,000 litro ng gasolina.
“According sa driver, pilit niya sanang iwasan 'yung kotse. Nakabig niya po nang kaunti. So, nag-slide po agad 'yung dulo. And then, as a result po doon, nag-spark. ‘Pag nagspark po, ‘yun po ang cause nu’ng fire,” sabi ni Police Major Madtaib Jalman, hepe ng Orion Police.
"So, ang nadamage po doon, nasunog po lahat din po 'yung tanker. At nakadamay po doon ng 8 single motorcycles and 3 tricycles. Nasunog din po doon sa vicinity ng pinangyarihan,” dagdag ni Jalman.
Dead on arrival sa ospital ang babaeng sakay ng kotse, samantalang nasa ICU at walang malay ang driver nito.
Nagkaroon din ng mga sugat ang sakay na dalawang menor de edad, na ligtas sa kasalukuyan.
May mga nakaparadang motorsiklo rin ang nadamay, pero wala namang nasaktang rider.
Agad namang nakatalon ang tanker driver na nagtamo ng minor injuries.
Dinakip ang driver ng tanker at mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property, ngunit pinakawalan din.
Patuloy na kinukuha ang panig ng tanker driver pero sinabi ng pulisya na tugma sa kuwento ng saksi ang paliwanag nito. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
