Arestado na ang 23-anyos na suspek sa pagpaslang sa isang Amerikano sa Caloocan City noong Lunes ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Romeo Deluna Jr. alyas Bugoy, isang tricycle driver at residente ng Barangay 64.

Sa ulat sa Unang Balita, sinabi ng suspek na tinangka ng biktimang si James Rinaldo Boudraux na gawan siya ng kahalayan kaya sinaksak niya ang dayuhan sa tagiliran.

Inaya umano ng biktima si Deluna na mag-inuman at nang malasing ang Amerikano ay nagtangka itong gumawa ng kahalayan.

Bandang ala-una ng madaling araw nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ni Boudraux sa loob ng inuupahan niyang bahay sa PNR Compound, Barangay 78. Naganap ang krimen gabi ng Lunes.

Tadtad ng saksak ang katawan ng dayuhan, na kalilipat lamang daw sa naturang lugar.

Sa naunang ulat nitong Martes, mabait umano si Boudraux ayon sa mga residente at nagpapaaral ng ilang kabataan sa kanilang lugar.

Mahilig umano itong magpainom at magpakain sa kanyang bahay.

Ayon kay Deluna nasipa siya ng dayuhan kaya inundayan pa niya ng maraming saksak ang biktima.

Aminado ang suspek na gumagamit siya ng droga, pero sinabing hindi siya lango sa droga noong maganap ang krimen.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek. —ALG/KVD, GMA News