Inagawan na ng bag, sinaktan pa ng tatlong holdaper na umano'y pawang minor de edad ang isang babaeng masahista habang naglalakad sa kalye ng P. Ocampo sa Maynila noong madaling araw ng Linggo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage habang naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima dakong 5:00 am.

Hindi nagtagal, isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki ang tumigil sa kaniyang tapat. Kaagad na bumaba ang angkas nito at hinablot ang bag ng biktima.

Nang hindi kaagad binitawan ng biktima ang bag, lumapit na rin ang isa pang salarin. Isang motorsiklo pa na may sakay na isang lalaki ang dumating.

Dito pinagtulungan na nila ang babae at tinuhod pa sa sikmura ang biktima kaya wala na siyang nagawa kung hindi bitawan ang bag.

Nang makuha ang pakay, kaagad na tumakas ang mga salarin.

Ayon sa opisyal ng barangay na nakasasakop sa lugar na pinangyarihan ng krimen, mga dayo umano at nasa edad 16 pababa ang mga salarin.

Nagiging mahirap din umano sa kanila ang paghuli sa mga ito dahil sa usapin ng hurisdiksyon dahil nasa hangganan sila ng Pasay City.

"Boundary siya ng Pasay at Maynila, so 'pag tumawid yung hinahabol mo na suspek, hindi na siya ma-pursue ng mga pulis kasi ibang city na siya. Ganuon din sa kung galing sa kabilang barangay," paliwanag ng barangay official na si Gary Ali Eresmas.

Nakikipagtulungan na raw sila sa Manila Police District at sa Pasay Police para matutukan ang problema ng holdapan sa kanilang lugar. -- FRJ, GMA News