Binalikan ng isang guro ang hirap sa buhay na pinagdaanan ng kaniyang pamilya noong kaniyang kabataan. Nang paalisin sila sa kanilang tahanan, napilitan na silang tumira sila sa gilid ng kalsada, evacuation center, at maging sa tila bahay ng kalapati at karo ng kabayo. Tunghayan ang kaniyang kuwento at kapulutan ng inspirasyon.

Sa kaniyang guesting sa “i-Listen with Kara David,” ikinuwento ng gurong si Jude Natividad na taong 2003 nang ma-demolish ang kanilang bahay sa San Andres Bukid sa Maynila, at doon na sila nagsimulang tumira ng kaniyang pamilya sa lansangan.

“'Yung una po doon lang sa labas ng bahay namin dati na tinitirahan. Alalang-alala ko po noon na habang pinapaalis po kami, 'yung mga gamit namin nilalabas nu’ng demolition team ng barangay. At tatlo po kami magkakapatid noon ang maysakit,” balik-tanaw niya.

Edad anim lamang siya noon, at “mentally ill” pa ang kaniyang ama. Kaya ang kanilang ina lamang ang nag-aalaga at kumakayod para sa kanila.

Matapos ma-demolish ang kanilang bahay, sa labas lamang sila natulog.

“Tapos naglagay po ng tabing 'yung mama ko doon para hindi kami mainitan o maarawan, maulanan, 'yung time po na 'yun,” patuloy ni Jude.

Kalaunan, tinulungan sila ng isang malayong kamag-anak kaya sila napunta sa Ermita, Maynila, na malapit sa Luneta.

“Napunta kami doon sa may baba ng daycare center. At masasabi ko na parang siyang evacuation center. Kasi po, sama-sama po kami doon. Iba-ibang pamilya po,” kwento ni Natividad.

Pero kapag may klase, kailangan din nilang umalis. Dahil dito, naranasan ni Natividad na tumira sa kalye, kabilang ang Alhambra Street, na katabi ng Luneta Hotel.

“Dahil may mga nag-aaral po doon sa daycare center. So, bawal kami mag-stay doon sa baba,” dagdag niya.

Naging kalunos-lunos pa ang kanilang kalagayan nang maranasan na nilang tumira sa mga tila tahanan ng mga hayop.

“Then, naranasan ko rin pong tumira sa parang bahay ng kalapati. 'Yung pag-akyat mo po diretso higa. Kasi naka-hang 'yung bahay doon po sa may facility din ng barangay,” dagdag niya.

Kalaunan, napaalis din sila dahil pag-aari umano ito ng gobyerno.

“Kaya napunta po kami doon sa may parang bahay na karo ng kabayo po 'yung style. Kasi may dalawang gulong. Tapos 'yung sa harap niya, 'yung nilalagay sa likod ng sasakyan ‘pag hinila.”

Hindi nagtagal, ipinahila rin iyon ng gobyerno at muli na naman siyang napunta sa lansangan.

“So, hindi po mako-consider na batang lansangan lang. Mako-consider po kami na parang family in street situation,” saad niya.

Inilahad ni Natividad ang pinakamahirap sa buhay na nakatira sa lansangan.

“Una po, mausok, maingay. Hindi po namin alam kung kailan uulan, kailan po kami merong lugar na masisilungan. Kasi siyempre, ‘pag wala kang bahay, wala ka rin CR. Saan ka makiki-CR no’n? Saan ka makikiligo?,” kuwento niya.

Nagpasalamat naman sila sa barangay sa mga pagkakataong binibigyan sila ng libreng paligo sa mismong barangay hall.

Kalunos-lunos din ang kanilang pagtulog sa kalye.

“Doon po sa gutter. Naglalagay po kami ng karton, tapos naglalagay kami ng lona, 'yung nanay ko po ang gumagawa noon. Then, siyempre, 'mga establishments eh. May mga nagrereklamo, hanggang sa dumarating 'yung punto na ipapahuli kami, pinapa-rescue kami ng Manila Department of Social Welfare and Development. Rescue operation po,” patuloy niya,

Ibinahagi ni Natividad ang kaniyang nasa isip noong natutulog sa gutter.

“Lagi lang akong nakatingin sa langit. Hanggang doon na lang ba 'yung buhay namin? Ano ba 'yung nakalaan para sa amin?,” ani Jude.

Tunghayan ang buong panayam kay Natividad sa “i-Listen with Kara David,” at ang kuwento ng kaniyang pagsisikap.

--FRJ GMA News