Isang hinihinalang holdaper ang nasawi matapos siyang mabaril habang nakikipambuno sa mga barangay tanod sa Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagroronda ang mga tanod nitong Huwebes nang dalawang lalaki ang magsumbong sa kanila na sinubukan umano silang holdapin ng riding-in-tandem.
Ilang saglit lang, may dumating na magkaangkas sa motorsiklo, na positibong kinilala ng mga biktima na mga nagtangkang mangholdap sa kanila.
Pinatigil ng mga tanod ang motor ngunit bumunot ng baril ang angkas at itinutok ito sa mga tanod.
Isang tanod ang hinampas ang kamay ng angkas hanggang sa mag-agawan sila sa baril.
Kalaunan, pumutok ang baril at tinamaan ang suspek, habang nakatakas ang kaniyang kasama.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang kasamahan ng nasawing holdaper umano. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
