Sa harap ng pagtaas na presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng sigalot sa Middle East, inilahad ng mga pamilya sa middle class ang kanilang mga pangamba dahil sa pagtaas din ng presyo ng transportasyon at uri ng pamumuhay. Sino nga ba ang nasa middle class sa pamilyang Pilipino? Dapat din ba silang bigyan ng ayuda, at sa papaanong paraan? Alamin.
Ang mga middle-class ang karaniwang nagbabayad ng buwis pero kakaunti o halos walang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.
Sa kabila nito, ilang ahensiya ng gobyerno ang sinusubukang gumawa ng hakbang para maisama ang mga pamilyang medyo may mas mataas ang kita kaysa sa mga taong higit na kailangang pagkakalooban ng tulong pinansyal.
Sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation na isinasaalang-alang nito ang pag-aalok ng mga karagdagang benepisyo para sa mga middle-income na pamilya.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate finance committee, na pinag-iisipan ng gobyerno ang pagsuspinde ng mga premium ng pensiyon para sa middle class.
Sinu-sino nga ba ang kabilang sa middle-income class?
Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nina Deanne Lorraine D. Cabalfin, Jose Ramon G. Albert, at Mohammad A. Mahmoud, ang mga nasa middle-income class sa bansa ay may dalawa hanggang 12 beses na mas mataas ang per capita income kaysa mga nasa poverty line, o P13,873 kada buwan.
Sa pag-aaral noong 2026 na “The Middle Class and Vulnerability to Income Poverty: Implications for Social Protection in the Philippines,” ang mga pamantayan ng pamumuhay o kapakanan sa Pilipinas ay karaniwang sinusukat gamit ang per capita current income sa imbes na konsumo.
“The poverty line is defined as the minimum income deemed necessary for a household to meet basic needs, food and non-food, and most importantly to obtain adequate nutrition,” saad ng PIDS.
“This approach ensures the classification is consistent with official poverty statistics and policy-relevant, in particular compatible with existing social protection measures,” dagdag nito.
May tatlong kategorya ang middle-income class:
Lower middle-income: P27,746 - P55492 monthly family income
Middle middle-income: P55492 - P97111 monthly family income
Upper middle-income: P97111 - P166,476 monthly family income
Noong 2023, itinakda ang poverty threshold sa pambansang average na P13,873 kada buwan, mas mataas kaysa sa poverty ceiling na P11,998 noong 2021.
Kinakalkula ng PSA ang poverty threshold sa pamamagitan ng paghahati ng food threshold sa kabuuang basic expenditure— na halagang kailangan para matugunan ang mga non-food na pangangailangan gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay, kuryente at tubig, damit, at iba pa.
Sa isang survey noong Nobyembre 2025 ng Social Weather Stations, may kabuuang 51% ng mga pamilyang Pilipino ang nag-rate sa kanilang mga sarili bilang mahirap o “poor.”
Katumbas ito ng humigit-kumulang 14.3 milyong pamilya para sa kasalukuyang survey, na ang mayorya o 65% ay naitala sa Mindanao, kasunod ang Balance Luzon na may 45% at Metro Manila na may 37%.
Inilalagay ng kasalukuyang datos ang national media na Self-Rated Poverty Threshold (SRP Threshold) sa P15,000, habang ang pambansang median na Self-Rated Poverty Gap (SRP Gap) ay nasa P6,000 na ngayon.
Ayon sa pag-aaral, "the middle-income class is growing but remains vulnerable."
"The pandemic induced downward mobility, with middle- to high-income households dropping from 52.8 percent in 2018 to 49.1 percent in 2021 but recovered to 51.3 percent by 2023," sabi pa nito.
Tungkol naman sa rural - urban distribution ng income groups, ipinakita sa pag-aaral na middle-income households na nangingibabaw sa mga urban area ang mga middle-income na sambahayan.
Tatlong rehiyon ang namumukod-tangi sa bilang ng middle-income: National Capital Region (65.0 porsyento), Cordillera Administrative Region (55.2 porsyento) at CALABARZON (50.7 porsyento).
"These regions benefit from economic concentration, a large services sector and industrial areas that offer formal employment, and better infrastructure and connectivity," sabi sa pag-aaral.
Pero hindi lang ngayon napag-usapan ang mga nasa middle class, at tanong kung dapat din ba silang mapagkalooban ng tulong ng gobyerno. Panoorin ang video.
— FRJ GMA Integrated News

