Dalawang ahas na pinaniniwalaang makamandag na Philippine cobra ang nakita sa gilid ng kalsada na tila nagyayakapan sa Gamu, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng kumuha ng video na nagulat siya nang makita ang dalawang ahas na mahigit dalawang metro ang haba sa Old Pintor Bridge.
Hindi na raw itinawag sa mga awtoridad ang pagkakakita sa dalawang ahas dahil napunta rin naman sila kalaunan sa madamong bahagi ng lugar.
Pero pinaalalahan ang mga residente na malapit sa lugar na mag-ingat at ipaalam sa mga kinauukulan kapag may nakitang mga ahas.
Itinuturing “near threatened” ang populasyon ng Philippine cobra at pinoprotektahan sila sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act o Republic Act No. 9147.
Ipinagbabawal na ibenta, patayin, kainin ang naturang mga ahas, at may parusang pagkakakulong ng hanggang dalawang taon ang mga lalabag sa batas, bukod sa multang aabot sa P20,000 hanggang P200,000.—FRJ GMA News
