Hindi na itinanggi ng dalawang umano'y tulak ang kanilang iligal na gawain nang madiskubre ng mga awtoridad sa kanilang mga bahay ang ilang pakete ng sinasabing shabu sa Quezon City.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing sinalakay ng Quezon City Drug Enforcement Unit at SWAT sa bisa ng search warrant ang bahay nina Alona Borja at Jonathan Macaya sa Barangay Old Balara dahil sa hinalang nagtutulak sila ng droga.

Natagpuan sa bahay ni Macaya ang isang kalibre .45 na baril, mga bala, at tinatayang 50 gramo ng shabu. Nasa mahigit 100 gramo naman umano ng shabu ang nakita sa bahay ni Borja.

"Talagang mga pusher sila, hindi lang street peddlers, pero we consider them hindi du'n sa mga lower level ng mga pusher," ayon kay Senior Superintendent Guillermo Eleazar, direktor ng QCPD.

Inaresto rin sa naturang raid sina Joselito Calamyong, tagaluto ng pagkain sa bahay ni Borja, at si May German, live in partner ni Macaya.

Inamin umano ng dalawa na pareho silang gumagamit ng droga, habang hindi na itinanggi nina Macaya at Borja na nagbebenta sila ng shabu.

Paliwanag ni Macaya, napilitan siyang pasukin ang iligal na gawain para matustusan ang pangangailan umano ng kaniyang mga anak.

"Kailangan na kailangan po kasi may pinadadalhan po akong mga anak ko," paliwanag niya.

Nahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News