Isang motorcycle taxi and delivery service rider ang sugatan matapos siyang masalpok ng isang SUV na dumiretso umano sa Malacañang Park ayon sa isang saksi.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente sa panulukan ng UN Avenue at Quirino Avenue ng madaling araw.
Sinabi ng ilang saksi na nakahinto ang rider sa stoplight, nang bigla siyang mabundol ng SUV na mabilis umano ang takbo.
Kumalat sa kalsada ang dalawang helmet ng rider at ilang bahagi ng motorsiklo, kasama ang nagkapira-pirasong top box nito sa tindi ng pagsalpok.
May mga kumalat ding parte ng SUV na mabilis na tumakas, batay sa mga nakasaksi.
“May humaharutot na SUV. Hindi po namin napansin kung anong brand. Pero diyan siya, dumire-diretso lang tapos nabanggaan niyang rider. Tapos huminto lang siya sandali,” sabi ng isang saksi.
Sumunod naman ang ilang nagmalasakit na rider sa tumakas sa sasakyan at nakakita umano sa pagpasok nito sa Malacañang Park, ang lokasyon ng headquarters ng Presidential Security Command.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Manila Police District sa insidente.
Hawak naman ng Police Community Precinct ang motorsiklo ng biktima at mga naiwang bahagi ng SUV.
Kasalakuyang nagpapagaling sa isang private hospital sa Maynila ang biktima, habang tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak nito.
“Ang nakuha lang nating information, nasa ospital ito dito sa isa sa mga ospital sa Maynila at nasa stable condition naman siya,” sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Nagtungo rin sa nasabing ospital ang ilang kinatawan ng PSC.
Sinabi ng isang opisyal na nakausap ng GMA News na naghatid na sila ng assistance sa biktima ngunit wala silang opisyal na paliwanang tungkol sa insidente.
Nangako naman ng patas na imbestigasyon ang MPD.
“Law applies to all. Wala namang pinapanigan. Sabi nga kung either miyembro pa ‘yan ng kapulisan o ng AFP o ano pa man ‘yan, ang sa atin dito kung meron tayong paglabag sa patas, dapat ka managot. Maaharap siya sa possible na reklamo na reckless imprudence resulting in damage to property and physical injury,” sabi ni Ines. — Jamil Santos/VBL GMA News
