Kahit ang mga alagad ng Simbahang Katolika ay hindi ligtas sa tukso lalo na ngayon sa modernong panahon, gaya sa mga nakikita online. Alamin ang kuwento ng isa pari kung papaano niya ito nilalabanan. At nagbabago na rin kaya ang paraan ng pagpapahayag ng debosyon ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon?
Kilala ang mga Pilipino sa kanilang malalim na pananampalataya, na makikita sa makukulay na pagdiriwang ng Semana Santa—mula sa Pabasa Senakulo Visita Iglesia — hanggang sa paggunita sa pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoon. Ngunit sa pagdating ng bagong henerasyon at sa paglaganap ng social media, nananatili pa rin bang mahalaga ang mga tradisyong ito? O unti-unti na bang nagbabago ang paraan ng pagpapahayag ng debosyon ng mga Pilipino?
Sa panayam ng GMA News Online kay Monsignor John Bañas Brillantes, mula sa Military Ordinariate of the Philippines, at panauhing pari sa Cathedral Parish of Saint Andrew sa Parañaque, sinabi niyang mula ang pananampalatayang Katoliko sa mga tradisyon at gawain mula sa Banal na Kasulatan, ang Sagradong Tradisyon, at ang Magisterium (ang teaching authority ng Simbahan).
Samantala, ang mga tradisyon (na may maliit na letrang “t”) ay tumutukoy sa iba’t ibang teolohikal, disciplinary, liturgical, o debosyunal na gawain na umusbong sa mga lokal na simbahan sa paglipas ng panahon, ayon sa Katesismo ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Brillantes, ang mayamang tradisyong ito ay nag-iiba sa paglipas ng panahon, mga siglo at sa kultura.
Mula sa mga Hudyo, ang pananampalatayang Kristiyano na nakaimpluwensiya sa kulturang Griyego-Romano, hanggang sa masakop ng Espanya ang bansa. Dinala ng mga Kastila sa Pilipinas ang kanilang karanasan ng pananampalatayang Katoliko at kung paano ito isinasabuhay sa pamamagitan ng mga pista, prusisyon, at Pabasa.
Gayunpaman, hindi lahat ng tradisyon at gawain ng Katolisismo ay napanatili sa bansa, lalo na matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngunit sa panahon ng internet at social media, napansin ni Brillantes na mas madaling makakuha ng impormasyon ang nakababatang henerasyon, na nagpapasigla sa kanilang interes na muling buhayin at pangalagaan ang mga tradisyon ng nakaraan.
“So itong sa internet na ito, mas madali ang access sa information about religious practices sa other parts, not only in the Philippines, but other parts of the world, like Spain, like Rome. So they compare notes. They were able to see na ‘yung mga bagay na hinahanap nila, how to do it na nawala noong unang panahon sa kanila, na andu’n pala, present sa ibang parts of the Philippines,” paliwanag niya.
“Mabibigla ka sa next generations, because they have this enthusiasm, they have available information, and they have this desire talaga na i-cherish, i-celebrate ang faith,” dagdag ng alagad ng Simbahan.
Binigyang-diin ni Brillantes na mas enggrande na ngayon ang mga carroza kumpara noong siya ay bata pa. Naalala rin niya na ang mga Pilipino ang nagpasimula ng prusisyon tuwing Huwebes Santo sa Roma, na dati ay hindi ginagawa.
“Of course, gusto natin maganda, pabonggahan. So, ngayon makikita natin, kahit na Biyernes Santo, ang Mahal na Birhen parang reynang reyna. Ang Santo Cristo, pumapasan ng krus, burdado, punong puno ng mga expensive na bulaklak,” aniya. Gayunpaman, binigyang-diin niya na bagama’t kapuri-puri ang pagbibigay ng pinakamaganda para sa Diyos, dapat ding isabuhay ng mga mananampalataya ang mga Kristiyanong aral ng pagiging simple at mapagkumbaba.
Binanggit din ni Brillantes na dahil sa mas maunlad na ang transportasyon na mas marami na ang sasakyan at kalsada, mas madali at mas masaya nang isagawa ang mga gawaing pangrelihiyon, gaya ng pagbisita sa iba’t ibang simbahan para sa Visita Iglesia.
Sa kabila ng muling pagsigla ng interes ng kabataan sa mga tradisyon ng Kuwaresma, napansin din niya na may ilan na itinuturing ang Semana Santa bilang bakasyon o long weekend. Paalala niya na huwag sayangin ang pagkakataong ito at hayaan ang sarili na “to be touched by the spirit of the celebration.”
Pagharap ng mga pari sa mga tukso sa makabagong panahon
Ayon kay Brillantes na 30 taon nang naglilingkod bilang pari, tulad ng karaniwang mananampalataya, hindi rin sila ligtas sa tukso.
“Kung nagtitirik at andito ka lang naman sa [cathedral], ang temptation, siguro ‘yung pagkain,” natatawang pag-amin ni Fr. Brillantes, sabay banggit na gusto ng mga parishioner alagaan silang mga pari.
“I know that ‘yung parishioners, they love their priests, so they would like to invite you here and there. And, of course, they give you the best. So, kung hindi ka aware ng ganiyan, temptation ‘yan sa flesh, ‘yung pagkain,” paliwanag niya.
Upang labanan ang “tukso,” sinabi ni Brillantes, “I would try to moderate ‘yung pagkain (food intake).”
“Aside from spiritual purpose, it’s also good for your health,” dagdag niya.
Dagdag pa niya, bagama’t ang mga pari ay umaasa sa donasyon ng mga parishioner, maaari din silang matuksong mag-ipon ng yaman o bumili ng mamahaling sasakyan.
“Sa akin, na-experience ko rito, basically for the first time, two years ago, nakakuha ako ng car. Hindi ako nagda-drive before dito, pero sabi ko sa Manila, pag nagpunta ka, mahirap ang walang kotse,” ani Brillantes.
“Pero temptation ‘yan. ‘O magbili ka na ganitong car,’ ‘Ito ang bagay sa iyo,’ ‘Galing ka sa ganito.’ ‘At your status, dapat ganito,’” pag-alala ni Brillantes sa sinasabi sa kaniya ng ilan.
Upang labanan ang “tukso ng mundo,” pinili niyang bumili na lamang ng second-hand na unang sasakyan niya sa tagal niya bilang pari.
Binanggit din niya ang mga tukso mula sa internet.
“Kasi paminsan sa internet diyan, kahit mag-Facebook ka, may mga lumalabas diyan. So, you have to be aware of the temptation of these things that you sometimes would see there,” patuloy ng pari.
“So, stop being curious. Kasi, yung curiosity niyong mag-push sa iyo into something that is worse,” dagdag niya.
Para kay Brillantes, ang pinakamabisang paraan upang labanan ang tukso ay ang pagninilay sa Ebanghelyo, na nagsisilbing inspirasyon niya sa kaniyang mga sermon.
“Contemplating on the Gospel, because everyday I say the Mass. Even in the evening after prayers, I would just contemplate on the Gospel. So, I usually would prepare for my homilies. So, you, the best way to do that is to contemplate on the Gospel. All the more you search for spirituality, how you live the Gospel, and then you discover the joy of the Gospel. And your homily is just a product of your prayer,” paliwanag niya.
Sabi pa ni Fr. Brillantes, ang Kuwaresma ay paggunita sa 40 araw na pananatili ni Hesus sa ilang, kung saan hinarap Niya ang mga tukso.
“So, He's also a true man. So, He embraced all humanity. He's true God and became a true man. He experienced everything, including temptation, except na hindi Siya nag-sin. So, ang ma-learn natin sa ating Panginoong HesuKristo is to face temptation and to address the temptation, ” saad niya.
Upang labanan ang mga tukso ngayong Semana Santa, pinayuhan ni Brillantes ang mga mananampalatayang Katoliko na maglaan ng mas maraming oras sa pagdarasal, paigtingin ang kanilang pagtitiwala, pag-asa, at pag-asa sa Diyos. At isabuhay ang mga gawain sa kuwaresma tulad ng pag-aayuno, pagtulong, at pagpapakita ng habag. – FRJ GMA News


