Isang Pinay teacher sa Thailand ang inaresto matapos umanong iwan ang isang patay na sanggol sa loob ng banyo ng isang mall noong Marso 20.
Hindi pinangalanan ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok ang overseas Filipino worker (OFW), ngunit sinabi nila sa GMA News na nadakip ng Thai police sa isang bus station ang Pinay ilang oras matapos siyang umalis sa mall.
Ayon kay Don Pancog, labor attaché ng Pilipinas sa Thailand, isang concerned citizen ang nakadiskubre sa patay na sanggol at agad na nag-ulat sa mga awtoridad. Sinuri ang CCTV footage na naging daan sa pagkakaaresto sa guro.
"She was forced to deliver her baby in one of the bathroom cubicles here at one of the malls here in Thailand. The medical reason for that, we still do not know. It may have something to do with the very, very hot weather here right now because she relayed to us that she was walking for a long time and she had to stop for certain brief periods; it may have something to do as well with, of course, she's already in her last trimester... What we're very very sure of is that she's very distressed," sabi ni Pancog.
Matapos maaresto, nagsagawa ng virtual visit ang mga opisyal ng embahada sa OFW na kasalukuyang nakakulong sa isang women's correctional facility.
Hindi nakapagbigay ng malinaw na dahilan ang OFW sa insidente, ngunit sinabing umiiyak ito at puno ng pagsisisi nang makausap ng mga opisyal ng Pilipinas.
"Hindi niya rin maintindihan. Hindi niya rin alam. Hindi niya rin masabi kung bakit niya nagawa 'yon. She was full of remorse. Her recollection of the event was very hazy. But this is not her first child kasi," sabi pa ni Pancog.
"In a state of panic when the baby's head went out, she just did what I think any other mother would do. So, deliver the baby herself," dagdag niya.
Ayon kay Charmaine Guevara, Chargé d’Affaires ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand, mentally stressed ang guro.
"And more so now na mayroon din siyang psychosocial na mga pangangailangan din po," ani Guevara.
Sa imbestigasyon ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok, lumabas na hindi alam ng guro na buntis siya nang dumating siya sa Thailand para magtrabaho noong Oktubre 2025. Nalaman niya ito makalipas ang isang buwan.
Pitong buwan na siyang buntis nang mangyari ang insidente. Ayon din kay Pancog, mula sa Mindanao ang guro.
Iniimbestigahan ng pulisya ng Thailand ang guro para sa posibleng kaso na murder o infanticide, pagmanipula ng ebidensya, at pagtatapon ng bangkay.
"Noong siya po ay na-apprehend noong two Fridays ago, she was immediately brought to a medical facility dahil pina-check po siya dahil nanganak po siya eh. At saka rin siya inaplayan for…, inaplayan 'yung ma-extend 'yung detention sa kanya for further investigation. Bukod naman po sa investigation towards her, mayroon din 'yung sa forensic doon sa bata po. And this will definitely take time kasi marami ang kailangan ma-establish towards sa kanya. Siya ba ang nanay? May kaugnayan ba sila? Ano ang nangyari du'n sa bata? Or ano nag-cause?" ayon kay Pancog.
Sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok na may naitalaga nang abogado para sa OFW at bibigyan siya ng medikal at psychosocial na tulong kung papayagan ng mga awtoridad ng Thailand.
Pinayagan na rin ang embahada na magsagawa ng unang personal na pagbisita sa OFW sa Miyerkules, Abril 1.
Nanawagan din ang mga opisyal ng Pilipinas sa publiko na mag-ingat sa pagbibigay ng komento tungkol sa kaso dahil hindi pa alam ang buong kuwento ng OFW.
"Kami naman po sa Philippine embassy, sa Migrant Workers Office, kami po ay nakikiusap po sa ating mga kababayan na i-hold po muna natin ang ating mga paghuhusga, lalo na po sa mga short comments tungkol sa ating distressed na kababayan. Alalahanin po natin na siya rin po ay isang ina at na meron rin pong pamilya. Hangga't hindi po natin alam kung ano ang tunay ng mga pangyayari, atin na lamang pong isama siya sa ating mga dasal, lalung-lalo na ngayong Mahal na Araw," ayon kay Pancog.
Naipaalam na rin sa kapatid ng OFW ang insidente, sabi ng opisyal. — Jonathan Andal/FRJ GMA News

