“Masamang maligo sa Biyernes Santo, o pagsapit ng alas-tres ng hapon.” Isa iyan sa mga paniniwala ng mga Pilipino tuwing Mahal na Araw. Pero may basehan pa ito? Alamin.
Sa isang video na ibinahagi sa social media, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na iyon ang sinasabi ng mga nakatatanda dahil umano sa iyon ang araw ng kamatayan ni Hesus, na pati ang tubig ay “patay.”
Subalit ipinaalala ni Villegas sa mga Katoliko na ang Mahal na Araw, lalo na ang Biyernes Santo ay hindi lamang tungkol sa kamatayan ni Hesus kundi sa Kaniyang muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan.
“Bawal po bang maghugas? Bawal po bang maligo kapag Biyernes Santo? Ang sagot ay… kapag hindi ka naligo, tanda ba ‘yan ng pagmamahal?” tanong ni Villegas.
“Kapag hindi ka naligo, maipapakita mo ba sa mga kapamilya mo na mahal mo sila? Di ba mas magandang naliligo ka para maipakita mo ang pagmamahal mo sa kanila?” dagdag niya.
Idinagdag niya na ang paliligo ay tanda ng pagmamahal kay Hesus.
“Gawin mo ang paliligo alang-alang kay Hesus. Gawin mo ang paliligo tanda ng iyong pagmamahal kay Hesus,” ani Villegas.
“Hindi bawal maligo, tandaan mo. Ang bawal ay huwag kang magmahal. Ang lahat ng gagawin natin dahil sa pagmamahal sapagkat minahal ka ni Hesus,” sabi pa niya.
Nagsisimula sa Linggo ng Palaspas at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay, ang Mahal na Araw na panahon ng paggunita sa pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Ang Paschal Triduum o Easter Triduum ay tumutukoy sa huling tatlong araw ng Mahal na Araw: Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Pagkabuhay.-- Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News

