Ipinamalas ng isang ina na overseas Filipino worker (OFW) na gagawin niya ang lahat para makasama at masaksihan ang mahalagang pangyayari sa buhay ng kaniyang anak.

Sa isang viral video ni YouScooper Nathaniel sa Malitbog, Bukidnon, makikita ang OFW na si Ena, na nagmamadaling makaakyat sa stage upang makasama ang kaniyang mister na si Rechie at ang anak nilang si Omarion Drake.

Magtatapos noon ng Grade 10 ang 16-anyos na si Omarion Drake, at makikita sa video ang pagiging emosyonal niya dahil hindi raw nito alam na darating ang kaniyang ina sa araw ng completion ceremony.

Isang OFW sa Hong Kong, ikinuwento ni YouScooper Ena na bago siya nakarating sa completion ceremony ng kaniyang panganay na anak, nanggaling muna siya sa siyudad upang asikasuhin ang bunso niyang anak na kaka-discharge lang mula sa ospital.

“Bumiyahe pa kami ng almost two hours papuntang Bukidnon para makahabol sa awarding niya. Kaya noong nakarating ako sa school, nagtago muna ako sa likod. Hinintay ko ‘yung oras na tatawagin siya," sinabi ni Ena sa panayam ng GMA News.

"Medyo malayo kasi ang stage kaya napatakbo ako para hindi rin sila maghintay nang matagal sa stage. Alam din ng mismong adviser na hahabol ako sa awarding,” dagdag niya.

Congratulation Omarion Drake!

FRJ GMA Integrated News