Nakunan sa closed-circuit-television camera ang taktika ng dalawang menor de edad na nagwaring umaalalay sa mga pasahero ng taxi para makasalisi sa kita ng drayber.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nahuli-cam ang masamang diskarte ng mga batang pasaway sa P. Ocampo sa Malate, Maynila.

Inalalayan muna ng isang bata ang pasaherong bumaba bago umikot sa puwesto ng drayber nang may sumakay na bagong pasahero.

Habang tila nililibang ng isa pang bata ang drayber, makikitang may kinuha ang isa pang bata na itinago sa bulsa.

Huli na nang malaman ng taxi driver na natangay na ng mga bata ang perang pang-dialysis sana ng kanyang asawa.

Kaagad nagsumbong sa mga awtoridad ang drayber at nahuli naman ng barangay ang dalawang menor de edad na Grade 5 students.

Ayon sa barangay at social welfare office ng Maynila, mula sa "broken family" ang mga bata.

Ang lola ng isa sa mga bata, walang magawa kung hindi ang maiyak sa nangyari sa apo na naging "problem child" mula nang maghiwalay ang mga magulang.

"Masakit para sa akin, kasi itong mga anak ko, napalaki ko sila ng tama, pero bakit pagdating dito sa mga apo ko? Kasi po talagang nagrerebelde talaga siya eh. Dahil sa pagrerebelde niya sa mga magulang niya, ito ang resulta niya ngayon," anang lola. -- FRJ, GMA News