Nabahala ang Bangsamoro Ministry of Health (MOH-BARMM) kasunod ng pagkasawi ng isang 11-anyos na student-athlete at pagkakaospital ng dalawang coach sa ginaganap na BARMM Athletic Association Meet 2026 sa Parang, Maguindanao del Norte. Dahil dito, nagkaroon ng pagbabago sa sistema ng mga palaro.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing pumanaw noong Abril 12, 2026 ang Grade 5 student na sepak takraw athlete na mula sa Lamitan City, Basilan.

Batay sa mga ulat, kumakain ng hapunan ang estudyante sa isang billeting area nang mahirapan siyang huminga. Kaagad naman umanong nadala sa ospital ang estudyante.

Sa paunang pagsusuri, nakaranas umano ng acute respiratory failure ang bata dahil sa aspiration, o pagpasok ng foreign material gaya ng pagkain sa daanan ng hangin.

“There were nurses present there and they did all they can to give the first aid and since walang improvement diretso… within minute, napadala siya sa Iranun district hospital where the doctor confirmed the presence of food sa kaniyang mouth and the boy was also unresponsive they instituted emergency intervention. Nagkaroon ng pulse na bahagya yung bata and, eventually, the boy was referred to Cotabato Regional Medical Center kasi nga kulang din ng gamit ang ating hospital,” ayon kay Health Minister Dr. Kadil Sinolinding, Jr.

Personal naman nagtungo si Basilan Gov. Mujiv Hataman sa bahay ng pumanaw ng mag-aaral upang personal na makiramay sa naulilang pamilya. 

Samantala, isang 47-anyos na weightlifting coach naman ang naospital matapos umanong pumutok ang kaniyang varicose veins at makaranas ng tuloy-tuloy na pagdurugo.

Gayunpaman, naging stable na ang kaniyang kondisyon matapos siyang magamot ng doktor.

Isang taekwondo coach naman ang dinala rin sa pagamutan matapos umanong ma-stroke.

Batay sa kanyang medical record, umabot umano sa 240/180 ang kaniyang blood pressure, na indikasyon ng hypertensive emergency.

Dahil sa mga pangyayari, nabahala ang mga opisyal ng BARMM kaya nagkaroon ng mga pagbabago sa pagsasagawa ng mga laro.

“I think it’s the very high temperature. Kaya, the BARMM officials decided lahat ng mga outdoor activities nila was suspended from 9 o ‘clock hanggang alas tres… lahat ng mga tinuloy lang indoor sports, at saka sports na hindi masyadong kailangan ng physical activities,” ayon kay Sinolinding.

Kinilala rin ng mga opisyal ang kakulangan nila sa paghahanda.

“Actually, lahat ng ating athletes, meron silang medical examination to determine whether they are fit para sa competition. Ang hindi talaga natin nagawa comprehensively, ito nga yung learning curve namin, realization, lahat dapat ng mga nurses natin at mga coaches at saka mga official should have been trained sa basic life support kasi ‘yun ‘yung emergency intervention na puwede natin gawin in the absence of medical professional,” dagdag pa ni Sinolinding. – FRJ GMA News