Nadakip na ng mga awtoridad ang suspek sa pagbaril sa dalawang babae sa Pavia, Iloilo, na nagresulta sa pagkasawi ng isa, at ikinasugat ng isa pa. Ang suspek, lumitaw na security guard sa pinapasukang kompanya ng mga biktima.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing nadakip ng mga awtoridad ang 40-anyos na suspek sa bahay nito sa Barangay Gua-an sa bayan ng Leganes.

Nagtatrabaho bilang CCTV operator at security guard ang suspek sa kompanyang pinapasukan din ng mga biktima.

Kinilala ng nakaligtas na biktima ang suspek na siyang bumaril sa kanila.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang suspek na nasa motorsiklong nakaparada na tila may hinihintay nitong gabi ng Martes.

Pagdaan ng mga biktima, sumunod ang suspek at binaril ang nakatalikod na dalawang babae.

Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ilang beses na umanong napagsabihan ng nasawing biktima ang suspek kaugnay sa trabaho.

Ayon kay Police Lt. Garry Tayongtong, Deputy chief ng Pavia Police Station, isinailalim sa proseso ng termination sa trabaho ang suspek. Ngunit bago pa man siya madakip, hindi na umano pinapasok sa kompanya ang suspek.

Napag-alaman din na may dati nang kaso na may kaugnayan sa baril at reklamo sa pagpapaputok ng baril ang suspek, na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder. – FRJ GMA News