Patay ang isang tricycle driver sa Pasay City matapos barilin sa ulo ng salarin na nakasakay sa motorsiklo. Pinatay ang biktima kahit nakaupo sa harap nito ang limang-taong-gulang na anak, na nalaglag nang marinig ang putok ng baril.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ng barangay ang pagdaan ng biktimang si Ricardo Claudio na nakasakay sa kaniyang tricycle at kasama ang anak dakong 9:00 p.m. nitong Huwebes sa Hidalgo St. sa Pasay City.
Hindi alam ng biktima, nakabuntot na sa kaniya ang anim na salarin na nakasakay sa tatlong motorsiklo.
Nang tumigil ang biktima sa harap ng isang tindahan, bumaba ang isang salarin na nakaangkas sa motorsiklo at lumapit mula sa likuran ni Claudio at binaril ito sa ulo.
Nang bumagsak ang biktima, muli pa itong pinaputukan ng salarin bago umalis na tila walang nangyari.
Kaagad naman kinuha ng taga-barangay ang bata at dinala sa barangay hall na hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.
"Inakyat nga namin dito, hinatid ng tanod namin binigyan namin ng pagkain. Parang na-trauma kasi yung bata dahil tatlong putok ba naman," ayon kay Lennon Tawat, kapitan ng Barangay 66, Zone 8.
Bagaman malapit sa barangay hall ang pinangyarihan ng krimen, aminado si Tawat na wala silang magagawa kung may baril ang mga salarin.
Sa halip, nanawagan siya sa kapulisan na aksyunan ang dumadaming katulad na kaso ng krimen. -- FRJ/KVD, GMA News
