Naibalik na sa bansa at nasa hometown na sa Pangasinan ang mga labi ni Mary Ann Velasquez De Vera, ang Pilipinang caregiver na namatay matapos ang missile attack ng Iran sa Tel Aviv, Israel.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend, sinabing sinalubong ng pamilya ni De Vera ang kaniyang mga labi na bumubuhos ang luha sa Ninoy Aquino International Airport nitong Sabado ng madaling araw.
Si De Vera ang unang kumpirmadong Pilipino na pumanaw sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Nasawi siya noong Pebrero 28 matapos maglunsad ng missile attack ang Iran sa Tel Aviv, kung saan nagtatrabaho ang OFW.
“Pinagdadasal natin na huli na ito, wala nang masaktan, dadalhin na natin si OFW Mary Ann sa Pangasinan. Sinundo siya ng kaniyang pamilya at ‘yung kaniyang asawa na kakarating din galing Israel,” sabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan.
“I'm sure that all of us can feel his heart. They fell in love in Israel. I wish that this story would have ended differently,” sabi ni Israeli Ambassador to Israel Dana Kursh.
Biyernes nang personal na nakiramay si Israeli President Isaac Herzog sa naulilang asawa ni De Vera, na isa ring OFW sa Israel.
Ayon kay Kursh, maituturing ng Israeli government na kabayanihan ang pagsalba ni De Vera sa kaniyang amo sa gitna ng pag-atake sa Tel Aviv bago siya pumanaw.
“She's a brave lady that took care of her elderly. Her commitment, her compassion are really admired and she is really a heroine,” ani Kursh.
Magpapatuloy ang Israeli at Philippine government sa pagpapadala ng tulong sa pamilya De Vera. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
