Nasawi ang isang rider, habang sugatan ang dalawa niyang angkas, matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa backhoe na nakatigil sa gilid ng kalsada sa Barangay Maitumaig sa Datu Unsay, Maguindanao del Sur.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa pagtitipon ang mga biktima at pauwi na sa bayan ng South Upi nang mangyari ang insidente.

Nawalan daw ng kontrol sa motorsiklo ang rider hanggang sa bumangga sila sa backhoe.

Pawang walang suot na helmet ang mga sakay ng motorsiklo na nagresulta sa pagkasawi ng rider at pagkakaospital ng dalawang angkas. – FRJ GMA Integrated News