Inaasahan ng Department of Social Welfare Development na matatapos sa Huwebes ang sisimulang pamamahagi ng ayuda bukas, Martes, para sa tinatayang 139,000 na tricycle drivers sa Metro Manila.

Sabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, nasa 30 payout centers ang mamamahagi ng ayuda sa 17 local government units ng National Capital Region.

Ayaw din daw nilang makaabala sa pamamasada ng mga tsuper ng tricycle kaya may schedule na ang mga ito sa pagkuha ng ayuda.

Sabi pa ni Gatchalian, nasa P700 million ang pondo na inilaan para rito na bahagi ng AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situations.

Tanging lisensya lamang ng mga tsuper at photo copy nito ang kailangan para sa pisikal na payout ng ayuda.

Sakaling tumagal pa ang gulo sa Gitnang Silangan na pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, tiniyak ni Gatchalian na may pondo pa sakaling mangailangan ng karagdagang ayuda.

“Ang instruction ng Presidente, kailangan multiple times, kung tumagal pa ’to. Pero kung tanong mo nakahanda ang gobyerno, yes bigyan lang kita ng raw numbers ha.  A 139,000 will cost the government around close to P700 million so nakahanda na 'yan. 'Yung AICS program talagang may P60 billion 'yan na naka entrada sa loob ng General Appropriations (Act). In-earmark na natin kaagad ang P30 billion  para lang dito sa endeavor na ito na para lang kung humaba meron nakalaan na pondo,” paliwanag ni Gatchalian.

Para sa ibang modalities gaya ng jeepneys, inaayos na lamang daw ang listahan at maaaring sa susunod na Lunes ay magsimula na rin ang payout na susundan ng iba pang PUVs.

Ang DOTR naman, sinabi ni Secretary Giovanni Lopez, inaasikaso na ang paglalabas ng P2.5 billion na pondo na nakalaan para sa fuel subsidy.

Sakaling mailabas na at may kumpleto nang listahan, maaaring i-rollout daw ito sa ikaapat na linggo ng Marso.

Inaaral pa ang halaga ng fuel subsidy na ibibigay sa mga operator at drivers ng PUVs pero hindi na raw ito malalayo sa nagdaang ipinamahaging fuel subsidy.

Target din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ibigay ang subsidy sa pamamagitan ng e-wallets para mas maging mabilis at convenient sa mga benepisaryo.

Kinakausap naman ng  DOTR ang mga toll operator para pababain muna ang kanilang toll fees para makatulong sa publiko kasama na ang transport sector.

Taas pasahe

Patungkol sa fare hike, una nang inanunsyo ng LTFRB na may 30 sentimo hanggang 45 sentimong provisional fare increase sa mga provincial bus.

Pero sabi ni Atty. Vigor Mendoza ng LTFRB, inaaral pa nang husto ang tungkol sa fare increase ng city bus.

Bukas daw ito ng umaga iaanunsyo.

"Iba ang structure ng metro buses compared sa provincial buses. iba rin ang expense basket ng provincial buses compared to the city bus so ibang iba, it will not be the same,” sabi ni Mendoza.

Ang mga magdaraos naman ng protesta sa hanay ng transport group, pinaalalahanan ni Mendoza na gawin ito nang maayos at huwag makaabala sa daloy ng trapiko. Sinabihan din silang huwag manggulo

Ayon kay Lopez, kahit may mga ayuda, nakikita pa rin nila ang paghahain ng fare increase petitions ng PUVs lalo't para ito sa kanilang sustainability subalit kailangan daw may balanse ang fare hike sa kakayanan ng commuters na mabayaran ang pamasahe.

“Sa tingin namin kahit may subsidiya na po at saka ayudang ibinibigay ang gobyerno, merong pa rin talagang, there’s some transport groups who are going to file petition for fare hike. Ang purpose ng fare hike is more of sustainability to ensure na meron tayong transportation, to ensure na may sasakyan ang ating mga kababayan mas lalo na magse-Semana Santa,” ani Lopez. 

"Ang mgaganda lang po natin na isipin dito is we really have to strike a balance between approving and giving a fare hike and also the capability of our commuters to pay the supposed fare hike,” paliwanag ng Transportation secretary.

Samantala, inaaral naman ng DOTR ang paglulunsad ng libreng sakay para higit pang makatulong sa mga pasahero. 

“We’re thinking na baka kaya hanggang 3 months. It could be off peak or it could be peak hours lang. Pero ang nakasanayan natin ay peak hours lang  doon  natin ililibreng sakay para mas tumagal ang pondo natin," dagdag ni Lopez. —AOL GMA Integrated News