Naging parte na ng buhay ng mga taga-kumbento sa St. Anne Parish and Diocesan Shrine sa Pagbilao, Quezon ang isang lawin na pinangalang Tripie o 3P. Alamin ang nakaaantig niyang kuwento.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang lawin na malayang nakapuwesto sa tila terrace ng isang gusali sa compound ng kumbento.

Ayon kay Daryl de Leon, isang sakristan, nitong nakaraang Pebrero nang makita ng mga taga-kumbento ang lawin na may sugat sa leeg.

Pinagtulungan nilang gamutin ang sugat ng ibon, kanilang kinupkop, at inalagaan hanggang sa gumaling.

Nang maka-recover na ang lawin, pinakawalan nila ito sa gubat. Pero laking gulat nila nang bumalik sa kumbento ang ibon at ayaw nang umalis.

Hinayaan naman nilang manatili na roon ibon at binigyan pa ng pangalan ng kura paroko na si Fr. Rekto Hernandez bilang si TriPie o 3P, na ang ibig sabihin ay “Pagdapo, Paggaling, Paglipad.”

Ngayon, kasama na sa araw-araw na gawain ng mga taga-kumbento ang pagkalinga sa lawin na regular nilang binibigyan ng pagkain.

Malaya pa rin daw na nakalilipad si 3P pero sadya itong bumabalik sa Casa Santa Ana, dahil marahil ay dama niya ang kaligtasan, kalinga, at pagmamahal sa kaniya ng mga tao. – FRJ GMA Integrated News