Lumabas sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II),  na ang Basilan ang may pinakamataas na insidente o antas ng mga batang bansot sa Pilipinas. Ang gobernador ng lalawigan na si Mujiv Hataman, itinuturing hamon ang naturang ulat upang pag-ibayuhin ang kanilang programa tungkol sa kalusugan at edukasyon ng mga batang Basileño.

Batay sa mga ulat ng Operation Timbang Plus nitong hanggang Marso 25, 2025, lumitaw na nasa 20.42% ng mga bata sa Basilan ang naitalang stunted o bansot —kondisyon na may kaugnayan sa kakulangan sa nutrisyon ng bata na maaaring makaapekto sa paglaki nito at pag-unlad ng pag-iisip.

Kabilang din sa mga probinsyang may mataas na antas ng stunting ay ang:

  • Tawi-Tawi (16.96%)
  • Eastern Samar (16.86%)
  • Oriental Mindoro (16.49%)
  • Davao Occidental (15.20%)

Kasama rin sa listahan na may mataas na antas ng pagkabansot ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Northern Samar, Catanduanes, Masbate, at Samar.

Samantala, nanguna naman ang Pangasinan sa mga lalawigan na may mababang antas ng stunting na nasa 1.95% lang.

Ang iba pang lalawigan na may mababang antas ang ng pagkabansot ay:

  • Capiz (2.01%)
  • Agusan del Norte (2.66%)
  • Sarangani (2.75%)
  • Misamis Oriental (2.86%)

Kasama rin sa listahan ang Ilocos Sur, South Cotabato, Laguna, Cotabato, at La Union.

Ang stunting ay pangmatagalang kakulangan sa nutrisyon kaya nagiging mas maliit ang bata kaysa sa karaniwang taas para sa kanilang edad dahil sa kakulangan ng wastong pagkain.

Ayon sa mga eksperto, maaari din itong makaapekto sa pag-unlad ng kaisipan at kakayahang matuto ng bata.

Ang mga datos ay mula sa Operation Timbang Plus, isang pambansang programang nagmo-monitor ng nutrisyon na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan. Ginagawa ito para masubaybayan ang kalagayan ng nutrisyon ng mga bata at gabayan ang mga hakbang laban sa malnutrisyon.

Malungkot na tinatanggap

Sa isang pahayag, sinabi ni Basilan Gov. Mujiv Hataman na mabigat sa kalooban niyang tinatanggap ang resulta ng pag-aaral ng EDCOM II.

Giit pa ng gobernador, ang naturang problema sa mga kabataan ay “sugat ng nakaraan” dahil napabayaan sa mahabang panahon ng mga dating nanungkulan o namahala sa lalawigan.

“Kaya naman sa pag-upo pa lamang natin sa ating unang termino noong nakaraang taon, agad nating inilunsad ang Magbasa Kite. Ito ang ating targeted approach upang direktang tugunan ang krisis sa literacy at tiyakin na ang bawat batang Basileño ay hindi mapag-iiwanan sa karunungan,” ani Hataman.

“Ang programang ito ay bahagi ng ating mas malawak na Basilan HELPS framework, kung saan ang Health at Edukasyon ang nagsisilbing mga pangunahing haligi ng ating panunungkulan,” dagdag pa niya.

Giit pa ni Hataman, ang paglaban sa problema sa stunting o pagkabansot, ay nagsisimula bago pa man pumasok sa paaralan ang bata.

“Dito pumapasok ang kahalagahan ng Early Childhood Care and Development, o ang simpleng pag-aalaga sa kalusugan, kaisipan, at emosyon ng bata habang sila ay sanggol pa lamang. Binibigyang-diin din natin ang tinatawag na First 1,000 Days—ang kritikal na panahon mula sa pagbubuntis ng ina hanggang sa mag-dalawang taon ang bata,” paliwanag niya.

“Sa loob ng halos tatlong taon na ito nabubuo ang pundasyon ng katawan at talino ng isang tao; kapag nagkulang tayo rito, mahirap na itong bawiin paglaki nila. Dahil dito, mahalagang lalo nating palakasin ang access ng bawat pamilya sa ating mga health programs upang matiyak na ang bawat ina at sanggol ay may sapat na kalinga,” patuloy ng gobernadora.

Gayunman, sinabi ni Hataman na hindi kayang lutasin ng isang tanggapan lamang ang problemang ito sa mga kabataan. Kaya naman, nanawagan siya ng tulong sa pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at mga ahensiya nito upang bigyan ng suporta ang lalawigan sa paglutas sa problema.

“Ang mga hamong inilahad ng EDCOM ay hindi tayo pinapahinto, bagkus ay lalo tayong hinihimok na paigtingin ang mga nasimulan na nating programa para sa kinabukasan ng ating lalawigan,” ayon kay Hataman. --  Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News