Nabalutan ng frost o yelo ang ilang puno at pananim sa ilang bahagi ng Benguet matapos bumaba sa 7.5 degrees Celsius ang temperatura habang umiihip ang northeast monsoon, ayon sa state weather bureau.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang ilang larawan na kuha dakong 10 a.m. noong Sabado ang kapal ng “frost” na bumabalot sa mga halaman malapit sa Mount Pulag, ang pinakamataas na bundok sa Luzon.

Habang patuloy na nararanasan sa mga hilagang lugar ang malamig na hangin dulot ng Amihan.

Sa Kibungan, hindi lamang frost ang dulot ng matinding lamig kundi pati pagbuo ng yelo sa mga pananim na gulay at halaman.

Ayon sa mga residente, maaaring nagyelo ang tubig mula sa mga irrigation sprinkler dahil sa mababang temperatura, kaya nabalutan ng yelo ang mga pananim.

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na bumaba sa 7.5°C ang temperatura sa Benguet noong Sabado, na pinakamababang naitala sa ngayon sa panahon ng northeast monsoon.

Naramdaman din ang malamig na panahon sa kalapit na Baguio City.

Nitong Lunes, inihayag ng PAGASA na posibleng maramdaman na lang ang malamig na panahon hanggang sa Martes, Marso, 17, 2026. – FRJ GMA Integrated News