Inihayag ng transport group na PISTON ngayong Lunes, na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa Huwebes, March 19, 2026, bilang protesta sa mataas na presyo ng krudo dulot ng kaguluhan sa Middle East at kawalan ng aksyon umano ng pamahalaan.

“Ngayong darating po na March 19 ay idedeklara po natin at ilulunsad po natin, hindi lamang po sa National Capital Region kundi sa buong bansa,” ayon kay PISTON national president Mody Floranda sa isang pulong balitaan.

“Ang isang protesta at welga na pangungunahan ng driver, operator, at mamamayan laban sa pagkainutil ng administrasyon ni [Pangulong] Bongbong Marcos, laban sa US aggression na kung saan ay nagdudulot ng pahirap sa mamamayang Pilipino,” dagdag niya.

Inihayag din ni Floranda na nahihirit sila ng P5 dagdag-singil sa pamasahe para matulungan ang mga tsuper na nabawasan ang kita dahil sa pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Binatikos din ng PISTON ang gobyerno sa P5,000 cash aid na ibibigay nito sa mga apektadong driver at operator, dahil hindi umano sasapat ang naturang halaga para maitapal sa mahal na presyo ng krudo.

Nanawagan din ang PISTON sa pamahalaan na ibasura na ang Oil Deregulation Law, na ginagamit umano ng mga oil company para magdikta ng presyo sa mga produktong petrolyo.

Nais din ng grupo na suspindihin ang pagpapatupad ng excise tax sa fuel products. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News