Kahit tatlong taon na ang lumipas, hindi inakala ng isang 38-anyos na lalaki na itinuloy ng pamilya ng kaniyang pamangkin ang reklamong panghahalay laban sa kaniya sa Quezon City. Ang biktima, 15-anyos nang mangyari umano ang krimen.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, inaresto ng mga tauhan ng QCPD Station 6 ang suspek sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, matapos na itimbre ng mga kaanak na nasa lugar siya.
Hindi na pumalag pa ang tiyuhin ng biktima nang pasukin ng mga awtoridad ang compound na may dalang warrant laban sa kaniya.
"Nahuli natin itong suspek dahil na rin sa tulong ng impormasyon ng mga kaanak ng biktima at itinuro kung saan naroroon ngayon ang suspek natin sa kasong rape," ayon kay Police Superintendent Rossel Cejas, Commander ng QCPD Station 6.
Umamin naman ang suspek sa kaniyang nagawa pero ikinatwiran niyang hinipuan lang niya ang biktima habang natutulong sa kanilang bahay.
"Nandun pa nanay ko, tapos magkakatabi po kami. Lasing po ako nun. Hinipuan ko po," paliwanag niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
