Bago ang pagtatayo ng mga gusali at empraestruktura, isinailalim mula ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process sa workshop ang mga ahensiya ng pamahalaan at civil society groups na bahagi ng rehabilitasyon ng Marawi City para ipaalam sa kanila ang masalimuot na problemang pinagmulan ng krisis. Ang isa naman architectural firm, ipinasilip kung ano ang puwedeng maging hitsura ng bagong Marawi.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabing makatutulong ang isinagawang workshop para sa ilalatag na mga programa sa pagbangon ng Marawi, at masimulan din ang paghilom ng sugat na nilikha ng digmaan.

Ipinaliwanag ni Usec. Diosita Andot ng OPAPP, na mahalagang malaman ng mga ahensiya ng pamahalaan na bahagi ng Task Force Bangon Marawi, at ng civil society groups na makakasama sa pagpapatupad ng mga proyekto ang masalimuot na problemang kaugnay sa nangyaring krisis.

“The very idea of holding this workshop is to get down to the bottom. Analyze, understand at the deeper level why there was such crisis, lessons that we can derive from it, and most importantly, what are those that we need to know more so that we are prepared ... not just to avoid the occurrence of such a conflict again but how to respond to it,” paliwanag ni Andot sa pagbubukas ng workshop nitong Martes.

Ang OPAPP ang itinalagang pangunahing ahensiya sa Social Healing and Peacebuilding na bahagi ng Sub- Committee on Peace and Order of the Task Force Bangon Marawi.

Ang Task Force ay binuo sa ilalim ng isang administrative order na nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa recovery, reconstruction and rehabilitation sa lungsod dahil sa nangyaring digmaan.

Paano magsisimula

Samantala, sinabi sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, posibleng matagalan pa bago makabalik ang mga residente sa kanilang mga bahay sa main battle area sa Marawi dahil sa matinding pinsala na tinamo ng lugar sa bakbakan ng tropa ng pamahalaan ant teroristang Maute-ISIS.

"After the clean-up drive, we would have to restore the government services and facilities in this area. And after that, of course, the eventual return of our residents," ayon kay ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee.

"Kailangan magkaroon muna ng sapat na serbisyo ng facilities," dagdag niya.

Kabilang sa mga prayoridad umano ng gobyerno ay makapagpatayo ng mga paaralan at pamilihan upang unti-unting makabalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao.

"We are planning also to set up a market here within the controlled area para bumalik  po 'yung sigla maski po dito sa controlled area, magkaroon po ng negosyo paunti-unti," ayon kay Alonto.

Tiniyak naman niya na makababalik ang mga lehitimong residente sa kanilang lugar pero susuriing mabuti ang kanilang pagkakakilanlan upang maiwasan na makapasok ang mga tagasuporta ng Maute.

"We want really a bonafide residence. Baka naman may magpo-pose po diyan na residente tapos bigla na namang mangyari at tayo po ay bumalik sa evacuation mode. Kaya iyan po 'yung iniiwasan natin," paliwanag niya.

Hindi pa matiyak kung magkano ang gugugulin ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Marawi pero sinabi ng Department of National Defense (DND) at Office of Civil Defense (OCD) na posibleng umabot sa P100 bilyon hanggang P150 bilyon ang magagastos para muling maibangon ang Marawi.

Mungkahing bagong Marawi

Sa isa pang ulat, sinabi naman ng isang architectural firm na maaring mas mapaganda pa ang Marawi para makahikayat ng mga turista kung mapaplanong mabuti ang gagawing rehabilitasyon sa lungsod.

Ayon sa Palafox Associates, ang Lanao lake na nakatutulong sa transportasyon at kabuhayan ng mga tao ay magiging mas maganda kung lalagyan umano ng waterfront na mapakikinabangan ng lahat katulad ng disenyo sa Marikina.

Samantala ang Agus river, puwede raw maging pasyalan gaya ng disenyo na para sa Pasig river.

Iminungkahi rin na kailangang laparan ang mga kalsada sa lugar upang magkaroon ng malalakaran ang mga tao dahil maganda umano ang klima rito na parang Tagaytay o Baguio. -- FRJ, GMA News