Dahil sa nalalapit na Undas, nagsimula nang magsitaasan ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa flower market sa Maynila. Ang ilang bulaklak, doble na ang presyo ngayon.
Sa ulat ni Rida Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing inaasahan na ng mga tindera sa Dangwa ang masiglang bentahan ng mga bulaklak hanggang Miyerkoles, na mismong araw ng Undas.
Hindi pa siksikan sa lugar pero marami na ang bumibili kahit mayroon pang pasok sa Lunes.
Ang rosas, nasa P200-P220 kada dosena na ngayon kumpara noong nakaraang linggo na P100-120 kada dosena lamang.
Ang mabentang Malaysian Mums tuwing Undas, P180-P200 na ngayon kumpara sa P100-P120 noong nakaraan mga araw.
Ang Chrysanthemum, P200 na ngayon ang presyo mula P150 noong nakaraang linggo.
Doble na ngayon ang presyo ng White Anthurium na P500-P550 mula P250.
Ang Red Anthurium, P250 na ngayon ang presyo mula sa dating P180.
Ang Stargazer lamang ang nanatili sa P130 kada stem.
Pinapayagan naman ng Department of Trade and Industry ang price adjustment kada taon ng mga bulaklak tuwing Undas dahil ito'y epekto ng market forces na driven ng law of demand and supply.
Nagkakaroon naman ng konting pagbabagal sa daloy ng trapiko sa lugar. — Jamil Santos/MDM, GMA News
