Kahit armado ng patalim ang suspek, hindi nagpatinag ang mga tao na tulungan ang dalawang estudyanteng humingi ng saklolo matapos umano silang holdapin sa Maynila nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing kinailangan dalhin sa ospital ang umano'y holdaper dahil sa tinamong mga sugat matapos siyang kuyugin ng mga tao sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa mga biktima na menor de edad, naglalakad sila sa bahagi ng España Boulevard nang agawin ng suspek ang kanilang bag at pinagbantaan na huwag susunod habang may hawak na patalim.

Nang makakuha ng tiyempo ang biktima, itinulak nila ang suspek at humingi ng tulong sa mga tao.

Sa kuha ng CCTV camera ng Barangay 454 zone 45, makikita ang suspek na hawak pa ang patalim habang kinukompronta ng mga taong humahabol sa kaniya.

Isang residente ang nakakuha umano ng tiyempo na maagaw ang patalim mula sa suspek at doon na siya pinagtulungan ng mga tao.

Ayon kay Police Officer 3 Dindo Encina, inamin umano ng suspek ang krimen pero kinailangan siyang dalhin sa ospital dahil sa mga tinamong sugat bunga ng pagkakabugbog.

Nakuha sa kaniya kutsilyo na ginamit sa panghoholdap, isang cellphone, pero hindi na nakita ang bag ng biktima at isa pang cellphone na posibleng naitapon ng suspek habang hinahabol siya.

Nahaharap siya sa reklamong robbery-holdup at concealing deadly weapon.-- FRJ, GMA News