Umani agad ng papuri ang pagbabalik-aksyon ni Kylie Padilla matapos na ipakita ang pagsasanay niya para sa upcoming Kapuso action series na “Task Force: Firewall.” Pero kahit training pa lamang, makikita na ang pagiging astig ng aktres sa fight scenes.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang naturang training ni Kylie pero mistula na itong tunay na eksena.

Sa video, makikita ang maangas na pakikipaglaban ni Kylie sa ilang lalaki gamit ang husay niya sa paghawak ng baril, patalim at ang martial arts.

“Prepped for ISA IN FIREWALL by training with @elite.action.design. We made a little movie too. Thanks team!!!” saad ni Kylie sa caption nang i-post niya ang video sa social media.

Ang co-star niyang si Jak Roberto, nag-tactical and practical shooting training kasama ang iba pang bahagi ng series na sina Miguel Tanfelix, Buboy Villar at Kyline Alcantara.

“Bakit nga ba namin inaaral 'to? Siyempre kailangan maging accurate lahat ang galaw namin sa Firewall, yung paghawak namin sa baril, yung stance, yung form and etc, today magse-self defense training din kami,” ayon kay Jak.

Bukod sa military style training, may mga sariling paghahanda rin si Kyline para sa serye.

“I'm doing a lot of physical things na ginagawa ko rin naman po before, it's just more intense now yeah, in preparation for Firewall,” saad niya.

Si Lexi Gonzales, na kasama rin sa series, sinabing ang ama niya mismo ang nag-train sa kaniya sa paghawak ng baril.

Masaya si Lexi na maging bahagi ng series dahil makakatrabaho niyang muli si Buboy at Miguel na nakasama niya sa Running Man Philippines. – FRJ GMA News