Isang lalaki ang nasawi matapos siyang gilitan ng nakaaway niyang kainuman sa Barangay Katangawan, General Santos City. Ang dalawa, may dati nang alitan dahil umaasta umanong may-ari ng farm ang biktima.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing bandang 5 a.m. ng Martes nang matagpuan ng kaniyang anak ang biktima sa loob ng pinagtatrabuhan nitong farmhouse sa Purok 5A.
Sinabi ng pulisya na mismong kasamahan sa trabaho ng biktima ang suspek sa krimen.
Ayon sa anak ng biktima, nakita pa niya ang dalawa na nagsasayawan sa gitna ng inuman.
Napag-alamang may dati nang alitan ang dalawa dahil umaasta umanong may-ari ng farm ang biktima.
Sinubukang makuha ang panig ng tunay na may-ari ng farm ngunit tumanggi siya.
Patuloy ang pagtugis sa suspek. — Jamil Santos/VBL GMA News
