Labis ang saya ng isang mag-live in partner sa Pamplona, Cagayan nang magkaroon na sila ng anak. Pero nagtaka ang lalaki nang makitang maputi at blonde ang buhok ng bata. Nang may post sa social media sa larawan ng mag-ama, may ilang netizens ang naghinala na baka dayuhan ang tunay na ama ng bata, lalo na’t napag-alaman na ilang buwan bago isilang ang sanggol, bumisita sa bansa ang kapatid ng lalaki, at kasama ang dayuhang nobyo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nag-viral kamakailan ang larawan ni Eddie Lupani habang karga niya ang isang buwan gulang na anak nila ni Rachelle Abundo.
Dahil hawak ni Eddie ang kaniyang anak, makikita ang malaking pagkakaiba ang kulay ng mag-ama dahil maputi ang bata habang kayumanggi naman ang kaniyang ama, ganoon din ang kaniyang ina na si Rachelle.
Ayon kay Rachelle, masaya sila ni Eddie sa pagdating ng kanilang unang sanggol dahil sadyang plinano nila ito. Iyon nga lang, hindi nila inasahan na magiging kakaiba ang kulay ng bata na maputi at blonde pa ang buhok.
Ang kapatid ni Eddie, na si Bing na nasa ibang bansa, labis din na natuwa sa hitsura ng kaniyang pamangkin at ipinost ang larawan ng mag-ama sa social media.
Sa caption ng post, ibinahagi rin ni Bing na umuwi siya sa Pilipinas noong May 2025, kasama ang kaniyang dayuhang nobyo na si Michael, na isang Czech national. Nagkataon naman na nanganak si Rachelle, siyam na buwan matapos ang naturang bakasyon.
Kaya naman ang mga netizens na matataba-isip, naghinala na baka nagkaroon ng relasyon sina Michael at Rachelle habang nasa Pilipinas ang dayuhan, at baka si Michael ang tunay na ama ng sanggol.
Bagaman naiinis si Rachelle sa maling hinala ng ilang netizens, iginiit niya na si Eddie ang ama ng sanggol. Si Michael, natatawa na lang sa suspetsa ng ilang netizens.
Ayon kay Michael, nagkamayan lang sila ni Rachelle nang makita niya ito pero hindi naman sila masyadong nagkausap.
Si Eddie, sinabing mabait si Michael at ito pa ang lumalapit sa kaniya para magkausap sila kahit pa mayroon silang language barrier.
Sinabi rin ni Rachelle na buntis na siya nang dumating sa bansa sina Michael at Bing.
Ngunit bakit nga ba maputi ang balat at blonde ang buhok ng sanggol? May kinalaman nga ba rito ang napaglihihan ni Rachelle? Alamin ang paliwanag ng mga duktor sa isinagawa nilang pagsusuri sa bata. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
