Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nakakulong na taong isinumbong ng isang batang babae kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nang-aabuso at nanggigipit umano sa kanilang komunidad sa Camarines Sur.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nagsagawa sila ng on-site verification sa Camarines Sur kasunod ng nag-viral na post tungkol sumbong ng 11-anyos na babae.

“Based on the verification, the concerns raised involve alleged harassment, community safety issues, and a previous rape case,” sabi ni Nartatez.

“Police records show that the rape case was filed in 2023 and is currently under trial at the Regional Trial Court, with the accused already in detention at Tinangis Penal Farm,” dagdag niya.

Sa kaniyang sulat kay Marcos noong Marso 30, ibinunyag ng batang babae ang umano’y panggagahasa na ginawa ng anak at aide ng isang barangay kagawad sa isang kasama nilang babae, pati na rin ang mga banta at panggigipit sa kanilang komunidad.

Humiling siya ng proteksyon at inihayag ang kaniyang hangarin na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral nang ligtas.

Sa naging tugon ni Marcos sa sulat, inihayag nito na nagalit siya at halos maiyak nang mabasa ang kuwento ng bata. Nangako ang pangulo na magpapadala ng pulis upang mapapanagot mga responsible.

Handa rin ang pangulo na suportahan ang mga biktima, kabilang ang pagtulong sa kanilang pag-aaral.

“Your letter has reached me and brought me close to tears and made me very angry. I am sending policemen to you and your sisters to protect you and to find anyone who has hurt any of you,” ani Marcos.

“I will make sure that you will be able to continue reading and studying as much as you want. You are a very brave, intelligent, and very kind girl and I will make sure to help you and your sisters in any way you need,” dagdag niya.

Samantala, kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na natunton na nila ang estudyante at iba pang menor de edad, at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng mga social worker.

Sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na magbibigay ang ahensya ng psycho-emotional counseling, tulong pinansyal sa mga pamilya, at suporta para sa legal na aksyon kaugnay ng karahasan laban sa mga menor de edad.

“Magkakaloob din ng tulong pinansyal para sa kanilang mga pamilya upang maayos ang kanilang kabuhayan,” sabi ni Gatchalian sa pahayag.

“Tutulungan din ng ating mga social workers ang kaibigan niya na naging biktima ng karahasan na magsampa ng kaso. Lahat ng assistance para sa kanilang shelter na tinutuluyan ay gagawin din,” dagdag niya.—  Joviland Rita/FRJ GMA News