Siyam na bata sa Pampanga na nabakunahan noon ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia ang minomonitor ngayon ng mga awtoridad matapos makaranas ng lagnat at iba pang sakit.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isa sa mga binabantayan na estudyante ay si Cirela Nicole Tagle, 11-anyos,  na pabalik-balik umano ang lagnat simula pa noong Lunes.

Ayon sa lola ni Nicole, bukod sa lagnat ay sumasakit din daw ang tiyan ng kaniyang apo. Nangangamba sila dahil nabakunahan ang bata ng Dengvaxia kahit hindi pa siya dinadapuan ng dengue.

Hindi naman daw nila maipa-confine ang bata dahil sa kakapusan ng pera. Gayunman, naipasuri na nila ang dugo ng Nicole at nakitaan daw ito ng impeksiyon ngunit hindi pa napapasuri para sa dengue.

Maliban kay Nicole, walo pang mag-aaral din sa Lakandula Elementary School sa Mabalacat, Pampanga na pawang nabakuhanan ng dengvaxia ang minomonitor ngayon ng City Health Office.

Nilagnat daw ang mga estudyante pero hindi pa matukoy ang dahilan.

Ayon sa ina ng estudyanteng si Christine Mae Regala, 11-anyos, pitong araw nang may lagnat ang bata.

Napatingnan na raw sa doktor ang bata at hindi pa umano matiyak kung may dengue siya kaya pinayuhan ang pamilya na i-confine na muna si Christine, na nakumpleto ang Dengvaxia vaccine.

Umaasa ang ina ni Christine na sana ay matulungan ang mga katulad nila sa gastusin sa pagpapagamot.

Pinatingnan din ng kaniyang ama sa doktor si Danica Macasinag dahil nabahala na sila sa sinat ng bata na tatlong araw na at masakit daw ang lalamunan.

Nakahinga raw siya nang maluwag nang sabihin ng doktor na sumuri na hindi naman dengue ang sakit ng bata.

Ayon sa ulat, pinulong na ng mga tauhan ng City Health Office ang mga magulang at iba pang bata para sa orientation tungkol sa epekto ng Dengvaxia.

Sinabi ni Mabalacat City mayor Cris Garbo, nakumpleto ng walo sa mga bata ang tatlong dosage ng Dengvaxia, samantalang nakadalawa naman ang isa pa.

Ang mga batang nilagnat ay nasa edad siyam at labing-apat. Pero isa lang sa kanila ang naospital dahil sa gastroenteritis pero maayos na raw ang kalagayan.

Handa umanong tumulong ang lokal na pamahalaan sa sinumang nabigyan ng Dengvaxia at magkakasakit, ayon sa alkalde.

Sa buong Mabalacat, mahigit 3,600 ang mga estudyanteng nabigyan ng Dengvaxia, na kumakatawan sa 94 porsiyento ng target students na mababakunahan.

Sa datos ng Department of Health, sa Region 3 naitala ang pinakamaraming dengue case noong 2015, na pumalo sa 37,000 cases sa panahon bago ipinatupad ang dengue vaccination program.

Sa buong bansa, halos 214,000 ang kaso ng dengue ang naitala noon ding 2015, at  tumaas pa ang bilang pagdating ng 2016 na umabot sa mahigit 220,000 cases.

Ang Region 7 naman naitala ang pinakamaraming kaso ng dengue, ayon pa sa ulat. -- FRJ, GMA News