Hinahanap na ang pulis na may ranggong PO1 [Police Officer 1] na nakunan sa closed-circuit-television camera na nanakit ng ilang konstumer sa isang videoke bar sa Pasay City at nagpaputok pa ng baril.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang pinaghahanap na ngayong pulis na si P01 Van Ichiro Gara Ramos, 33-anyos, nakatalaga sa Paranaque City Police.
Linggo nang madaling-araw nang makunan ang ginawang pagdibdib at pagsipa ni Ramos sa isang kostumer. Tinutukan naman nito ang isang pang kostumer na papalag sana at saka nagpaputok na tumama ang bala sa dingding.
Isa pang kostumer na hinampas nito habang papalabas na siya sa establisimyento.
Ayon kay Police Superintendent Gene Licud, Deputy Chief of Police for Operation, Pasay Police, irerekomenda nilang mapatalsik si Ramos sa serbisyon at kakasuhan nila ng attempted homicide at grave threats.
Napag-alaman din na ito ang unang beses na nasangkot sa gulo si Ramos.
Noong Setyembre, kinasuhan ng grave threat si Ramos makaraang manutok ng baril sa isang burol sa Trece Martires sa Cavite; at resisting arrest matapos pumalag nang arestuhin ng mga rumespondeng pulis.
Pinuntahan ng GMA News ang lugar kung saan nakadestino si Ramos bilang "beat patroller" pero hindi na raw ito nagpapakita sa opisina mula nang lumabas ang video na nakunan ang ginawa niya sa videoke bar. -- FRJ, GMA News
