Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Pasay City. Ang biktima, sinasabing nag-aabang lang ng masasakyan.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Bong Decena, na nasawi dahil sa dami ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Dakong 1:00 am umano nitong Biyernes nang pagbabarilin ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo ang bilktima habang nakatayo sa kanto ng FB Harrison at Libertad sa Pasay City.

Tinamaan din ng bala ang convenience store at isang nakaparadang sasakyan sa lugar pero wala namang nasaktan.

Ayon sa isang saksi, nakatayo lang sa lugar ang biktima at tila nag-aabang ng masasakyan nang lapitan ng mga salarin at pagbabarilin.

Kahit nakatumba na ang biktima ay pinagbabaril pa muli ng mga salarinng nakasombrero bago tuluyang tumakas.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima pero sinabi nila sa pulisya na wala silang alam na kaaway ng nasawing kaanak.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News