Dahil sa payo ng mga abogado, hindi dumalo si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa nakatakda sanang pagbasa sa kaniya ng sakdal ng Sandiganbayan Fourth Division kaugnay ng Mamasapano case nitong Biyernes.

Sa halip, ang mga abogado lang niya ang dumalo sa pagdinig na naghain ng mosyon na ibasura ang reklamo.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Atty. Romeo Fernandez, abogado ni Aquino, pinayuhan niya ang kaniyang kliyente na huwag nang dumalo dahil naging biglaan ang pagpapadala sa kanila ng abiso ng pagdinig para sa paghahain nila ng mosyon.

Sinabi ni Fernandez na nakasaad sa inihain nilang mosyon na dapat ibasura ang reklamo sa dating pangulo dahil wala itong nagawang krimen kaugnay ng ibinibintang na graft and usurpation of official function sa nangyaring operasyon sa Mamasapano.

Sa naturang operasyon, kabilang sa 67 katao na nasawi ay 44 na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police.

Itinakda ang pagbasa ng sakdal kay Aquino sa Pebrero 15, na nataon na isang linggo pagkaraan ng kaniyang ika-58 kaarawan sa Pebrero 8.-- FRJ, GMA News