Maraming netizens ang naawa at nagalit sa sinapit ng isang kabayong nahuli-cam na nakahandusay sa kalsada sa Maynila. Pero ipinaliwanag ng kutsero na sumabit ang paa ng hayop sa harness at hindi dapat sa bigat ng sakay taliwas sa akala ng nag-upload ng video sa social media.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing umabot sa halos 6,000 shares at mahigit isang 1,000 ang nagkomento sa naturang video na nag-viral.
Paniwala ng nag-upload ng video, masyadong mabigat ang sakay ng kalesa kaya napahandusay sa kalye ang kabayo sa Intramuros, Maynila nitong Lunes.
Sobra raw na naawa ang kumuha ng video kaya niya ipinost sa kaniyang social media. Awa at galit din ang naramdaman ng mga nakakita sa kaniyang post.
Pero nang makausap ang kutsero na si Danilo Lontoc, Jr., sinabi nito na hindi dahil sa bigat ng sakay kaya bumagsak ang kaniyang kabayong si "Rambo" kung hindi dahil sa sumabit ang paa nito sa "harness" o tali kaya napaupo sa kalsada.
Sadya raw niyang pinahiga ang kabayo para maiayos ang tali at makakawala kaya kaagad ding nakatayo.
Sa video, makikitang inaalis nga ng kutsero ang harness na sumabit sa paa ni Rambo at nakatayo matapos nito.
Sinabi ni Lontoc na hindi niya inaabuso ang kaniyang alagang kabayo na kapatid na raw kung ituring niya.
Hindi raw naiwasan ni Loctoc na sumama ang loob, at maging ang kapwa niya kutsero sa nag-post ng video dahil naapektuhan daw ang kanilang hanapbuhay.
Nang napaliwanagan tungkol sa tunay na nangyari sa kabayo, humihingi naman ng paumanhin ang netizen na nag-upload ng video. -- FRJ, GMA News
