Ngayong Valentine's Day, patok na naman ang pagbili ng mga bulaklak para sa minamahal, lalo na sa Dangwa. Alamin ang presyo ng mga makukulay na bulaklak na ibinibenta sa kilalang lugar sa Maynila.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing ang presyo ng isang bouquet na may isang dosenang bulaklak ay nasa P800 hanggang P1,500.
Bukod sa mga pink at red roses, sinabing uso ang sunflower ngayong 2018, na P500 kada tangkay. Maaari rin itong ipa-bouquet.
Ang presyo naman ng isang dosenang Korean rose ay P400.
Bongga naman ang presyo ng mga baby pink roses na P5,000 ang limang dosena.
Ayon sa ulat, sinabing mabigat ang trapiko sa kahabaan ng Lacson, Laong Laan, at Dos Castillas sa Maynila dahil na rin sa dagsa ng mga mamimiling naghahanap ng pangregalo sa kanilang mga minamahal. — Jamil Santos/MDM, GMA News
