Namaga ang kamay ng isang 60-anyos na lola matapos na pukpukin ng mga holdaper nang hindi niya ibigay ang kaniyang bag sa riding in tandem na bumiktima sa kaniya sa Caloocan City. Ang hepe ng Caloocan police nais na may nakatutok dapat sa mga CCTV camera ng mga barangay.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing hindi nakapasok sa kaniyang trabaho si Corazon Ligutan matapos na lagnatin at mamaga ang kamay matapos maholdap noong gabi ng Sabado ng madaling araw.
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 88, Zone 8 sa Macabagdal Street, makikita ang biktima na naglalakad papunta sana sa kaniyang pinagtatrabahuhang meat shop.
Hindi nagtagal, dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang bumuntot sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang holdapin.
Ayon kay Ligutan, tinutukan siya ng baril ng holdaper at pilit na kinukuha ang bitbit niyang bag. Nang hindi niya ibigay ang bag, may ipinukpok na matigas na bagay sa kaniyang kamay.
"Pinukpok na 'yung kamay ko ng matigas na bagay, 'di ko lang alam kung baril 'yon kasi tinutukan ako ng ganu'n," saad ng biktima.
Nakuha ng mga salarin ang bag ni Ligutan na may cellphone at P3,500 na pera.
Hinala niya, na sa edad 18 hanggang 20 ang dalawang salarin.
Ayon sa opisyal ng barangay, hindi na bago sa lugar ang mga insidente ng holdapan na kagagawan daw ng mga dayo sa lugar.
Ang hepe ng Caloocan police na si Senior Superintendent Jemar Modequillo, sinabing dapat may nagmomonitor na sa mga CCTV ng barangay.
"Kasi makikita naman natin attitude ng tao, hindi naman 'yan basta-basta manghoholdap agad, iikut-ikutan ka muna diyan bago ka holdapin," sabi niya.
Sa ganitong paraan, maaari umanong itawag sa pulisya kung may mapapansin na kahina-hinala sa CCTV upang mapigilang maganap ang krimen.-- FRJ, GMA News
