Inihayag ng isang opisyal ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na hindi na kailangang magpasa ng batas ang Kongreso tungkol sa diborsiyo kung gagawin lang simple at abot-kaya ang proseso ng annulment.
ALAMIN: Magkano ang gastos sa isang annulment case?
"I'm challenging Congress and the Judiciary, do something about our annulment process of today. Pababain n'yo 'yan, tell these unscrupulous lawyers 'wag silang magcha-charge ng kalahating milyon. It's anti-poor," sabi ni Father Jerome Secillano, executive secretary of CBCP's Public Affairs Committee sa panayam ng programang "Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie."
Binigyan-diin ni Secillano na sa ilalim ng Executive Order 2109 o ang Family Code of the Philippines, na inilabas ng dating Pangulong Corazon Aquino, mayroon na umanong tatlong paraan ang mag-asawa na nais nang maghiwalay: legal separation, annulment at declaration of nullity of marriage.
"There are already options na meron tayo sa Family Code. Nandoon na 'yung legal separation, nandoon na 'yung annulment, declaration of nullity. Tatlo na ho 'yan eh. So ngayon nagdadagdag pa sila [ng divorce]. Hindi pa ba enough ito?" tanong ni Secillano.
Sa nasabing programa, sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman na hindi sapat ang mga nabanggit na pagpipilian para magkaloob ng "full relief" sa mag-asawang nakararanas ng "disoriented relationship."
"It's not enough because it does not give full relief to spouses who are in disoriented, dysfunctional relationship. 'Yung annulment tungkol to sa grounds existing at the time of the marriage. Hindi kino-cover nito 'yung mas maraming causes which happen after the marriage," saad ni Lagman, isa sa mga may-akda ng absolute divorce bill.
Tugon naman ni Secillano, dapat amyendahan na lamang ang umiiral na batas.
Kaugnay ng panukala, inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang substitute bill para sa House Bills 116, 1062, 2380 at 6027, na tinawag na "An Act Providing for Absolute Divorce and Dissolution of Marriage in the Philippines."
Kapag naging batas ang panukala, papayagan na ang naghiwalay na mag-asawa na muling magpakasal sa iba.— FRJ, GMA News
