Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang lalaking nakunan sa nag-viral na video na pinaghahampas ng kahoy hanggang mamatay ang isang aso sa Muntinlupa City. Bukod dito, sinugod din umano ng suspek ang may-ari ng hayop at pinagbantaan na papatayin din.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing Sabado, March 17, nang makuhanan ng video ang paghampas ng dos por dos ng suspek na si Michael Bobby Potot Jr., sa namatay na asong si Seven, na alaga ni Redge Espanilla.
Ayon kay Espanilla, idinadahilan umano ng suspek na hinabol ng aso ang anak nitong babae kaya sinaktan ang hayop. Gayunman, sinabi umano ng kanilang mga kapitbahay na tinahulan lang ng aso ang bata pero hindi hinabol.
Sinabi naman ng testigong si Cezar Dipus Jr., nag-iinuman sila ni Potot bago ang insidente at nabanggit umano ng huli na marami raw gustong pumatay sa asong si Seven.
"Umuwi, pagbalik niya may dala na siyang dos-por-dos. Inakyat niya doon sa second floor [ang aso] at doon pinaghahampas," sabi ni Dipus na wala na umanong nagawa para awatin ang suspek.
Sa isang Facebook post, ipinaliwanag naman ng kinakasama umano ni Potot, na nanghahabol daw aso at muntik nang makagat ang kanilang anak kaya labis na nagalit daw ang suspek.
Ngunit maliban pala sa pagpatay sa aso, sinugod pa umano ng suspek ang bahay nina Espanilla sa sumunod na araw at pinagbantaan silang papatayin umano.
Wala na rin silang magawa kung hindi umiyak at magsisigaw dahil sa matinding takot.
"Sobra po ang ginawa niya sa amin. Hindi niya basta pinatay yung aso namin tinakot pa kami," hinanakit ni Espanilla.
Nagsampa na ng reklamo sa Muntinlupa Police station at Prosecutor's Office si Espanilla laban kay Potot na nagtatago na ngayon. -- FRJ, GMA News
