Napatay ng mga pulis ang dalawang lalaki ilang oras matapos umanong mangholdap sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng gabi.
Sa ulat sa Unang Balita, nagsumbong sa pulisya ang isang biktima ng panghoholdap sa kanto ng Dapitan Street at Lacson Avenue sa Sampaloc district bandang 9:30 ng gabi.
Ayon kay Chief Inspecdtor Niño Briones, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Manila Police District, agad silang nagpakalat ng mga pulis dahil dumarami na rin ang napapaulat na mga insidente ng holdapan sa lugar.
Isang team ng mga pulis ang nakakita sa mga holdaper na sakay ng isang motorsiklo pasado 11:00 ng gabi sa naturan ding lugar.
Sinundan ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa bumunot umano ang mga ito ng baril at nagpaputok nang umabot na sila bandang Lawton.
Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawang suspek. Nakatakas ang isa pang kasama ng mga suspek na siyang nagmamaneho ng kanilang motorsiklo.
Narekober mula sa isang napatay na suspek ang bag ng nagreklamong biktima ng panghoholdap.
Nakuha rin sa dalawang suspek ang dalawang baril.
Aalamin ng mga pulis kung sangkot din sa iba pang insidente ng holdapan ang dalawang napaslang na suspek. —ulat ni Vonne Aquino/ALG, GMA News
