Dahil libu-libong manggagawa ang kakailanganin para sa programang Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte, handang tumanggap ng mga aplikante ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na puwede nilang sanayin upang maging skilled construction workers at tiyak magtatrabaho sa mga infra projects ng gobyerno.

Sa panayam sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabi ni Alvin Feliciano, Deputy Director General ng TESDA,  na sa darating na Abril 5 at 6, magsasagawa sila ng National Technical and Vocational Education and Training (TVET) Enrollment and Jobs Bridging, na makapagbibigay ng karagdagang "skill" sa mga Pilipinong gustong magtrabaho sa Pilipinas, at magagamit nila sa abroad.

Ayon sa opisyal,  mayroong kurso na para sa mga skilled at construction workers at Information Technology-Business Process Management (IT-BPM), na ilan lamang sa napakaraming kursong maaaring kunin ng mga naghahanap ng trabaho.

Tiyak daw na makakakuha ng trabaho ang mga kukuha ng kursong construction  dahil sa malaking kakulangan ng mga manggagawa para sa Build, Build, Build programs ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Feliciano na nangangailangan ang pamahalaan ng 100,000 hanggang 150,000 construction workers para sa mga proyektong imprastraktura.

Dagdag niya, ang mga makapapasa sa pagsasanay ay tiyak na mabibigyan ng trabaho sa mga proyekto ng gobyerno.

"May shortage pa po tayo [sa construction workers]. Last February 27 and 28 maam nagkaroon po kami ng national TVET enrolment nationwide na kung saan almost 28,000 lang ang nagpahayag ng kahandaang mag-enroll sa construction courses. So talagang may shortage po kami.  Ang target po natin ay 100,000 to 150,000 construction workers," paliwanag ni Feliciano at sinabing libre ang iaalok na kurso.

Maging ang mga OFW na nais madagdagan ang kanilang skill-set ay maaaring sumali, pati na rin ang mga graduate ng K-12. Kapag natapos sila at nakatanggap ng sertipikasyon, maaari na silang makapag-apply sa mga kumpanya, lokal man o abroad.

Sa pag-aaply, magtungo sa mga TESDA on schools o TESDA Technology Institutions (TTIs), kung saan kailangan lamang ng 1x1 picture at pagiging high-school graduate. Walang babayaran dahil sagot ng TESDA mula training at assessment.

Bukod sa National TVET Enrolment, mayroon ding online at walk-in scholarship application. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News