Itinanggi ng founder ng online media network na si Franco Mabanta ngayong Miyerkules ang kaniyang pagkakasangkot sa umano’y tangkang robbery by extortion laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

“It's not true, it's definitely not true,” ani Mabanta sa mga mamamahayag matapos siyang maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.

Sinabi rin niya na hindi niya nakita ang mga komento o post sa social media dahil wala sa kaniya ang kaniyang telepono.

"Talk to my lawyer," sabi ni Mabanta.

Ilang oras matapos ang pag-aresto, naglabas ng pahayag sa social media ang Peanut Gallery Media Network na itinatanggi ang mga paratang at sinasabing may bahid pulitika ang nangyari.

Sa nasabing post, sinabi ng PGMN na inosente ang kanilang founder na si Mabanta at ang kanyang grupo, at inilarawan ang pag-aresto na isang “setup.”

“We are innocent. This was a setup,” saad sa pahayag.

Ayon sa PGMN, ilang buwan na nilang inihahanda ang tinawag nilang komprehensibong exposé tungkol sa umano’y katiwalian na kinasasangkutan ni Romualdez, at naghahanda silang maglabas ng 90-minutong video.

“The episode was filmed several weeks ago. It has been fully edited — it is 90 minutes-long, packed with hard evidence, and ready for release,” ayon pa sa pahayag.

“There was no extortion. There were ZERO threats from us,” dagdag nito.

Ipinahayag pa ng PGMN na layunin umano ng reklamo na patahimikin ang grupo bago mailabas ang kanilang planong exposé.

“Romualdez did this to silence us,” nakasaad sa pahayag.

Sinabi rin ng grupo na nakatanggap sila ng mga babala bago ang pag-aresto, at inatasan na ang kanilang legal team na ilabas ang video sakaling may mangyari sa kanilang mga miyembro.

Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online sa kampo ni Romualdez para sa komento at ilalathala ito sa sandaling maging available.

Entrapment operation

Inaresto si Mabanta at apat na iba pa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation, ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Miyerkules.

Mahaharap sila sa kasong robbery by extortion kaugnay ng umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act matapos ang entrapment operation na may kinalaman sa hinihinalang P300-milyong payoff na kinasasangkutan ni Romualdez, ayon sa NBI.

Sinabi rin ng pinuno ng NBI na may kasama umanong pagbabanta ang extortion scheme na maglalabas ng mga video na makakasira sa nagrereklamo kung hindi ibibigay ang hinihinging halaga.

“May 5 magre-release sila ng part one ng video,” ani Matibag.

Ayon pa sa NBI, nagsimula umano ang mga paunang negosasyon mga isang taon na ang nakalipas, at muling lumitaw dalawang linggo ang nakaraan sa pamamagitan ng kinatawan ng nagrereklamo. Mula sa P350 milyon na hinihingi umano ng mga dinakip, bumaba ito sa “take it or leave it” na halagang P300 milyon.

“Kasi a year ago, mababa lang ang amount. Pero through the representative of the complainant two weeks ago, it ballooned to P350 million,” sabi ni Matibag, at P75 milyon ang naging paunang bayad.

ALAMIN: Sino si Franco Mabanta na inaakusahang nangikil umano ng P300-M kay Rep. Romualdez?

— Sherylin Untalan/FRJ GMA News