Isang babae ang nasawi matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang bayaw dahil sa utang niya umano na P500 sa Bayawan City, Negros Oriental. Ang umawat na anak ng biktima, sugatan.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na nagpapatulog ng kaniyang anak ang biktima nang sumugod sa bahay ang bayaw na lasing at nagsisisigaw.
Hanggang sa naningil ang suspek ng utang na P500 sa biktima.
Lumabas naman ang babae ngunit paglapit niya sa suspek, bigla na lang siyang pinagsasaksak. Nasaksak din ang anak ng biktima matapos subukang umawat.
Batay sa imbestigasyon, hindi binayaran ng biktima ang P500 na utang dahil ito na ang ipinambayad niya sa kuryente ng suspek, na nakikabit sa kanila.
Dead on arrival sa ospital ang babaeng biktima.
Nadakip sa follow-up operation ang suspek, na walang pahayag. Mahaharap siya sa reklamong murder at frustrated murder. —Jamil Santos/VBL GMA News
