Inilahad ni Dingdong Avanzado na hindi biro ang inorganisa niyang sorpresang 25th wedding anniversary vow renewal para sa kabiyak na si Jessa Zaragoza, dahil mala-”detective” umano ito. Kaya naman kinailangan niya ang tulong ng kanilang anak na si Jayda.

Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ibinahagi ng Zaragoza family kung paanong naisagawa ang mabusising sorpresa, na ayon kay Dingdong ay matagal niyang binubuo.

“I actually thought about this long before pa. I was telling myself, sana umabot kami ni Jessa ng 25 years, and if that happens, I wanna renew my vows. I wanna marry her again. I remember talking to Jayda about it,” sabi ni Dingdong.

Ayon sa singer, isang taon na niyang binubuo ang plano na kailangan niyang isikreto sa asawa.

“I put it in motion about a year ago, last year. Sabi ko, kailangan siyempre planuhin namin ito. We had to have attention to detail because si Jessa, mahirap sorpresahin. Kasi sa kaniya, alam niya lahat ng schedule namin eh,” ani Dingdong.

Kung kaya naman kinailangan ni Dingdong ng tulong kay Jayda, na sinabi sa anak, "I wanna marry your mom again. It's our 25th year. And I wanna surprise her. And I need your help."

"Alam mo naman ang mommy mo, detective ‘yan. So kailangan ko ng buffer and we have to do this, idadaan ko sa kaniya,” dagdag pa ni Dingdong.

Kaya naman si Jayda ang nag-contact sa event planner para sa isang meeting, at ibinahaging nagkunwari sila ni Dingdong na simpleng magba-bonding lamang na mag-ama para pagtakpan ito.

“We staged a Father-Daughter Day together. Sabi namin sa kaniya [Jessa], lalabas lang kami, magmo-mall lang kami. Pero actually noon, nag-set po talaga kami ng meeting with the event planner to really start talking about this surprise,” kuwento ni Jayda.

Inamin naman ni Jessa na nahirapan siyang mahalata ang sorpresa, hanggang sa dumating na siya sa venue ng kanilang wedding vow renewal na inakalang isa itong professional na performance booking.

“Medyo na-throw off din talaga ako,” pag-amin ni Jessa, na sinabing talagang nagpursigi ang team na magmukhang gig ang setup.

“Ang pinalabas nila, may inquiry sa amin ni Dingdong na magpe-perform kami para sa isang jewelry launch. Kunwari lang na trabaho ‘yun. So talagang dumaan siya sa proseso. As in, nag-usap kami ng booking agent sa presyo, ilang kanta, ano ‘yung mga gagawin, ‘yung tipong gano'n,” kuwento ni Jessa.

Kaya sa mismong araw ng kanilang wedding vow renewal, inalala ni Jessa na “show mode” pa siya.

“Alam mo ba, papunta sa venue, nag-vocalize pa ako. Kasi alam ko talaga kakanta ako eh. So pagdating dun sa likod, in-introduce talaga ako. So the usual. Tapos tinatanong ko ang handler ko, ano nga ulit ‘yung line-up? Ano ‘yung una kong kanta?” kuwento ni Jessa.

Pagdating kuwarto, isa-isang nakita ni Jessa ang mga tao sa loob at napansin niyang mga kakilala niya.

“Pagtingin ko sa kaliwa, biglang nakita ko ‘yung anak ko — si Jayda nando’n. Hindi ko pa agad na-realize. So pagtingin ko naman sa kanan, nakita ko ‘yung friends namin. Tapos ‘yung mga tao, lahat na nakaano na ‘yung phone nila, ‘yung camera nila. Tapos tumingin ulit ako sa kaliwa, nakita ko na ‘yung musical director namin, si Elmer Blancaflor, nakaupo siya sa piano. Doon ko na naisip na, oh my, merong surprise.”

Ginanap ang sorpresang renewal noong Marso sa The Atrium at Enderun sa McKinley Hill, Taguig. Ginayakan ni Amelia Blooms ang venue, kung saan si Jayda ang maid of honor.

Ayon kay Dingdong, naaantig pa rin siya sa tuwing muli niyang pinanonood ang mga video ng renewal ng wedding vow nila ni Jessa.

“This morning when I woke up, I watched it. Kasi I still see the face, her face, ‘yung mukha niya. That to me was priceless. Kasi ‘yun talaga ‘yung alam ko talagang sobrang wala talaga siyang clue at whatsoever,” sabi ni Dingdong.

Kasal sina Dingdong at Jessa mula pa noong 2001.

-- FRJ GMA News